MULING inilatag ng Inter Agency Task Force (IATF) ang mga gagamiting batayan ng technical working group kung pahahabain o ta-tanggalin na ang enhanced community quarantine.
Ayon kay IATF Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, una na rito ay kung dumarami o kumakaunti ang kaso at kung gaano ito kabilis o kabagal dumami.
Ikalawa, ang kapasidad ng ating health care system tulad ng pagkakaoon ng sapat na quarantine facilities, kapabilidad sa contact tracing, sapat na gamit tulad ng PPE’s at testing kits.
Ikatlo ang social factors, economic factors at ika-lima, ang security factors.
“Hindi ko pa masabi ngayon kung kailan ilalabas ang desisyon sa ECQ, pero makasisiguro kayo na sa desisyon na ito papakinggan natin, ng IATF at ni Pangulong Duterte at lahat ng mga eksperto, bago makarating sa napaka-importanteng desisyon na ito,” ani Nograles.
Samantala, pabor si Senador Christopher ‘Bong’ Go na palawigin pa ng ilang linggo ang ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine ( ECQ) hanggang sa tuluyan nang humupa ang bilang ng mga may coronavirus disease ( Covid-19)
Layon nito na bigyang daan ang isasagawang mass testing ng pamahalaan sa Abril 14 at patuloy ang paglaki ng mga nagpositibo sa virus kaya’t nararapat lamang na palawigin pa ang ECQ na magtatapos sana hanggang Abril 12.
Nais din ng senador na ihiwalay ang lahat ng mga may COVID-19 sa komunidad upang madaling masawata ang paglaganap ng nasabing sakit
“Let me remind everyone that we are up against an invisible deadly enemy. Going out of your house remains dangerous at this time. Habang patuloy na lumalabas ka ng bahay na hindi naman kinakailangan, patuloy mo namang inilalapit ang pamilya at kapwa mo tao sa peligro, ” ani Go
“Kaya nakikiusap ako sa lahat ng mga Pilipino—stay at home and follow the protocols. Ang kooperasyon ninyo at ang pagkakaisa ng bansa ang tanging panlaban natin sa COVID-19,” dagdag pa nito.
Gayundin, muling umapela ang senador sa Executive branch na madaliin ang pagbibigay ng assistance sa lahat ng pamilyang Pilipino na apektado ng krisis. VICKY CERVALES
Comments are closed.