(ni KAT MONDRES)
ANG MGA Ilonggo o Ilongga ay hindi lamang kilala sa malambing nilang katangian, pero magagaling at bihasa rin pag-dating sa kusina. Pilit na pinag-aaralan ng iba ang recipe ng mga Ilonggo pero hindi pa rin nila makuha-kuha ang ta-mang timpla nito. Kaya pambihira talaga kapag natikman ang orihinal na mga pagkain gawa mula Iloilo.
Karamihan sa mga recipe na ipinagmamalaki ng Iloilo ay mula pa sa mga ninuno at pinasa-pasa sa mga sumunod na henerasyon. Pinag-aralan ng pamilya at iniingatan.
Kapag sinabing Iloilo City, ano kaya ang pinakamasarap na pagkain ang unang pumasok sa isip mo? Mayroong adobo, linaga, chicken binakol, pansit molo at iba pa. Marami kang pagpipilian, pero ang mas tumatak sa panlasang Pinoy ay ang sikat na Batchoy na kung saan ay binabalik-balikan ng mga bisita mula sa ibang lugar.
“Namit” ay isang hinigaynon na salita na ang ibig sabihin ay masarap o malinamnam. Ito ang palaging reaksiyon ng mga taong napamahal na sa mga pagkain mula sa Iloilo. “Kanamit sang batchoy”, ibig sabihin ay “Masarap ang Batchoy”, ito ang mga bibita-wan mong mga salita kapag natikman mo ang batchoy ng Iloilo.
Kapag ikaw ay nakarating sa nasabing siyudad, unang pinupuntahan ng mga tao ay ang lugar na kung tawagin ay La Paz na kung saan pinangalan ang batchoy na ngayon ay tinatawag na “La Paz Batchoy”. Doon nagsimula ang paggawa at pagpapasarap nito. Sa La Paz Market makikita ang mga nakahilerang orihinal na batchoyan kung tawagin.
Ngayon, marami ng Batchoyan ang makikita sa iba’t ibang lugar sa Filipinas lalong-lalo na sa malls. Ito ang nagsisilbing paraan upang maipa-abot at matikman din ng ibang tao ang batchoy na hindi na kinakailangang lumipad pa papunta ng Iloilo.
Marami rin naman ang nagsasabi na iba ang batchoy kapag sa Iloilo ginawa, mas masarap, mabango at malinamnam.
Ang Batchoy ay isang noodle soup na may sangkap tulad ng noodles, chicharon, at laman ng baboy. Ang kakaiba sa pagkaing ito ay dahil sa mga lamanloob ng baboy gaya ng bituka at atay na mas lalong nagpapasarap dito. Mas kakaiba, mas patok, mas masarap!
Ito ay inihahanda ng may mainit na sabaw o “kaldo” kung tawagin sa Hiligaynon. Ito ay may kakaibang lasa na tiyak maka-kakuha ng swak na panlasa ng sinumang makatitikim nito.
Ang pagkain ng Batchoy ay walang pinipiling panahon o klima kahit mainit man, o tamang-tama sa tag-ulan. Mapa-almusal, pananghalian o hapunan man ay gustong-gusto pa rin ito ng lahat. Ito ay inihahanda ng mainit-init na may kasama pang pandesal.
Ito ang isa sa mga tanyag na pagkain na ipinagmamalaki ng mga Ilonggo. Hindi lamang ang delicacies ang nagpakilala sa Iloilo kundi isa na rin ang batchoy sa mga dahilan kung bakit binabalik-balikan ang nasabing siyudad sa Visayas.
Gusto mo bang malaman ang sikreto ng pagluluto ng batchoy?
Kung ikaw ay isang Ilonggo o Ilongga na wala ngayon sa Iloilo at gustong-gusto matikman ulit ang batchoy, dapat niyo lamang sundin ang mga nasabing sangkap at paraan na babanggitin.
Sa mga kumakalam ang sikmura at hindi pa nakatitikim ng masarap na batchoy, inihahandog sa inyo ang mga paraan ng pag-luluto nito na hindi na kinakailangang pumunta ng Iloilo upang tikman ang ipinagmamalaki nilang batchoy.
Kapag ito ay natikman, masasabi mo talagang “NAMIT KAG APRUB ANG BATCHOY NG MGA ILONGGO”.
BATCHOY NG ILOILO
Mga Sangkap:
Karne ng Paa ng Baka
Leeg ng Baboy
Bagoong
Balikat ng Baboy
Buto ng Manok
Atay ng Baboy
Bituka ng Baboy
Tinadtad na bawang
Scallion
Shallots
Chicharon
Miki o Round Egg noodles
PARAAN NG PAGLULUTO:
Sabaw/Kaldo
Igisa ang bawang hanggang sa maging golden brown ang kulay. Tanggalin sa lutuan kapag naluto.
Sunod namang igisa ang bagoong at shallots. Idagdag ang karne ng baka, buto ng baboy at manok at iba pang sangkap.
Magpakulo nang tubig. Idagdag ang balikat ng baboy, atay at bituka hanggang sa lumambot ito at agad kunin sa pinaglulutuan. Patuyuin at itabi agad. Ituloy ang pagpapakulo sa buto, at isama ang bawang at asin.
NOODLES AT TOPPINGS
Lutuin ang noodles ayon sa nasabing paraan nito. Alisin ang tubig at isalin sa ibang lalagyan. Tadtarin at hiwain ang balikat ng baboy, atay at bituka at ilagay ito sa ibabaw ng noodles. Maghiwa ng scallions, durugin ang chicharon at ilagay rin sa ibabaw ng noodles.
Idagdag ang ginisang bawang at sabaw nito. Puwede na itong ihanda. Mas mainit-init, mas masarap.
Enjoy! Namit! (photos mula sa andreaguanco.com, iloiloblog.com)
Comments are closed.