Bathalang Makapangyarihan

Kinikilala si Bathala na pinakamakapangyarihan sa lahat ng Diyoses sa Mitolohiyang Tagalog. Ayon sa mga kwento, naninirahan siya sa Bundok Makulot sa Cuenca, Batangas kasama ang iba pang makapangyarihang diyoses. Kapatid niya si Kaptan na naninirahan naman sa kalawakan, lugar kung saan sila nagpupulong kapag asul ang kulay ng buwan.

Walang nakaaalam kung babae o lalaki si Bathala, ngunit dahil may mga anak siya at hindi naman nasaad sa mga kwentong nanganak siya, mas kinikilala siyang lalaki. Ang mitolohiya ay repleksyon ng mga taong naniniwala sa kanila at pinaniniwalaan ng nakararaming lalaki si Bathala.

Kapatid rin nina Bathala at Kaptan si Sitan, ang Diyos na tagabantay sa kalaliman ng daigdig. Si Sitan ang namamahala at namumuno sa mga kaluluwa ng mga namayapa. Siya rin ang nagbibigay ng parusa sa mga kaluluwang nagkasala habang nabubuhay sa lupa. Mahigpit at disiplinado si Sitan, ngunit patas siya sa pagbibigay ng parusa. Ngipin sa ngipin, mata sa mata. Kung ano ang kasalanang ginawa mo, iyon din ang ipapataw sa’yo.

Halimbawa, ang kaluluwa ay isang mamamatay-tao. Lahat ng taong napatay niya ay gagawin sa kanya kung paano sila pinatay. Kung isandaang ulit siyang pumugot ng ulo, isandaang ulit din siyang pupugutan ng ulo, at paulit-ulit niyang mararanasan ang sakit at takot ng pagkaputol ng kanyang ulo. Kung ang kaluluwa naman ay nanggahasa, puputulin ang kanyang pag-aari at ipakakain sa kanya.

May tatlong anak na babae si Bathala – sina Maria Makiling, na naninirahan sa Bundok ng Makiling sa Laguna, si Maria Sinukuan na naninirahan sa Bundok ng Arayat sa Pampanga, at si Maria ng Kagandahan na nakatira naman sa Binangonan, Rizal, ngunit lahat sila ay nagtitipon-tipon sa bundok ng Makulot kapag walang buwan at pusikit ang karimlan, upang makasama ang kanilang amang si Bathala. Kapag umuulan, magkakasama ang mag-aamang nililibot ang kanilang nasasakupan habang nakasakay sa karawaheng yari sa mga kidlat, habang sinusundan ng mga kulog bilang bantay. Kapag magkakasunod na nakita at narinig ang sala-salabat na kidlat at kulog, tanda itong namamasyal ang mag-aama. Kung sinuswerte ang isang karaniwang nilalang na may mabuting kalooban, maaari siyang mabigyan ng kapangyarihan ng mag-aama bilang gantimpala, dahil ang kidlat at kulog na dala nila ay nag-iiwan ng isang ginintuang batong nagtataglay ng kapangyarihan ng libo-libong boltahe. Tanging ang taong may mabuting puso ang makakatanggap nito ng walang magaganap na pinsala.

Mula sa Bundok Makulot ay tanaw ang Bulkang Taal, kung saan naman naninirahan si Agni, ang Diyos ng mga bulkan at apoy. Anak rin siya ni Bathala na nagmula sa apoy ng kanyang puso nang minsan siyang magalit. Madalas na dinadalaw ng mag-aama si Agni dahil mainitin ang ulo nito, na nagiging sanhi ng madalas na pagsabog ng bulkang Taal. Natural lamang nag anito ang ugali ni Agni dahil isinilang siya sag alit – kaya puno rin ng galit ang kanyang pagkadiyos. Ayaw na ayaw ni Agni na may lumalapit na tao sa bunganga ng bulkan. Ito ang dahilan kaya madalas na may lumalabas na usok sa Taal bilang babala. Ngunit napakaraming isda sa loob ng lawa, dahilan upang magbakasakali ang mga tao na matiyempuhang natutulog si Agni habang nanghuhuli sila ng isdang ikabubuhay ng kanilang pamilya. Maagang matulog si Agni lalo na kung maliwanag ang buwan, at maaga rin siyang magising, ngunit paminsan-minsan, nagigising siya sa kalagitnaan ng gabi.

Mainitin man ang ulo ni Agni ay mabuti naman ang kanyang puso. Matapos magpaulan ng apoy at magsaboy ng kumukulong putik kapag naubos na ang kanyang pasensya, nakakadama siya ng awa sa mga nasalanta kaya binibiyayaan niya ang mga ito ng masaganang ani gamit ang matabang lupang isinuka ng bulkan. Maging ang mga abo ay nagsisilbing pataba sa mga halaman. Sa ganoong paraan, nasira man ang mga pananim at nangamatay ang mga alagang hayop, patuloy pa rin sa pag-aalay kay Agni ang mga tao.
Nenet L. Villafania