INIHAMBING ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Martes ang paghawak ng mga Pilipino at Amerikanong pulis sa stress at napagpasyahan na “malakas” ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) kapag nahaharap sa mga stressor.
Sa pagdinig noong Martes ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na pinamumunuan ni Dela Rosa, napag-usapan ang isyu ng mga police retirees na may post-traumatic stress disorder (PTSD).
“Sa Amerika, ang pulis doon, makabaril lang ng aso, mag-a-undergo na agad ng PTSD, post-traumatic stress debriefing. Kahina na mga pulis na ito. Aso lang ang binaril, ang haba ng proseso para maka-recover sila sa post-traumatic stress,” aniya ni Dela Rosa.
“Samantalang kami sa Pilipinas, dosyentos na NPA (New People’s Army) na ang ginera namin. Afterwards, kahit isang coke wala man lang pinapainom sa’min ang gobyerno namin,” dagdag pa ng mambabatas.
“Kahit na anong stress ibigay mo, didiskarte at didiskarte ang pulis na ‘yan. Marunong sa buhay dahil sa sitwasyon.”
Karaniwang sumasailalim ang isang pulis sa isang psychiatric at psychological examination, na pinangangasiwaan ng Department of Psychiatry ng PNP Health Service sa tatlong pagkakataon: sa pag-aaplay, kapag ang pulis ay nakatakdang ma-promote, at kapag siya ay sasailalim na sa mandatoryong pag-aaral. LIZA SORIANO