IGINIIT ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nais niyang i-decriminalize ang paggamit ng ilegal na droga para mabawasan ang dami ng mga nasa kulungan.
Sinabi ito ni Dela Rosa, na namumuno sa Senate public order and dangerous drugs committee, nang tanungin tungkol sa mungkahi ni Senador Robin Padilla sa pagdinig ng Senate panel kamakailan.
“I am the author of the bill. Ako mismo ang gumawa, nag-author niyan at gusto ko talaga,” ani Dela Rosa.
Ngunit, nilinaw niya na ang pagtutulak ng droga, pagmamanupaktura, at trafficking ay hindi kasama sa kanyang panukalang batas.
“User lang. Iba ‘yung pushing, manufacturing, trafficking,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ni Dela Rosa, isang dating hepe ng Philippine National Police (PNP), na maiibsan ng hakbang na ito ang bilang ng tao sa kulungan dahil ang mga gumagamit ng droga ay papapasok lamang sa mga rehabilitation center.
“So in order to decongest itong mga kulungan, sabi natin i-decriminalize na lang ‘yan dahil ‘yun namang mga rehabilitation centers natin ay hindi napupuno,” ayon kay Dela Rosa. LIZA SORIANO