BATO IKAAPAT SA ONLINE SENATORIAL SURVEY

bato dela rosa

TULOY-TULOY  ang pagtamasa ng mataas na rating ni administration senatorial candidate Ronald “Bato” dela Rosa. Pang-apat si Bato sa kandidatong iboboto ng mga Filipino sa darating na halalan, ayon sa non-commissioned online survey ng Publicus Asia.

Tanging si Dela Rosa ang baguhan sa limang pinakamataas sa survey. Ang ibang mga nakasama sa top five ay mga kasalukuyang senador at nagbabalik sa Senado.

Nakakuha ang dating hepe ng Philippine National Police ng voting preference na 38.75% at  trust rating na 44.92% sa survey na ginawa sa iba’ t ibang panig ng bansa.

Tinanong sa online survey kung sino sa mga kandidato ang iboboto kung ang halalan ay gagawin sa araw na iyon, kung kilala ba nila ang kandidato, at kung gaano nila pinagkakatiwalaan o hindi pinagkakatiwalaan ang kandidato.

Kabuuang 1,200 rehistradong botante mula sa iba’t ibang parte ng bansa ang lumahok sa survey na isinagawa noong Marso 7 hanggang Marso 16, 2019.

Kasalukuyang umiikot sa buong bansa si Dela Rosa upang ipakilala ang kanyang plataporma na naka­tuon sa pagpapaigting ng peace and order, seguridad at pagsugpo ng problema sa droga. Naniniwala si dela Rosa na susi sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng bansa ang kaayusan at mababang kriminalidad.

Bahagi si Dela Rosa ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) senatorial slate na ineendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama rin siya sa campaign sorties at sinusuportahan ng Hugpong ng Pagbabago na pinangungunahan ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Comments are closed.