BATO NA-HOLD SA IMMIGRATION DAHIL SA P10K

Ronald Dela Rosa

MARAHIL  sa pag-aakalang isa siyang construction worker, inalala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hinold siya ng mga immigration officer dahil sa pagdadala ng P11,000 sa ibang bansa.

Koronel si Dela Rosa noon at kasama niya papuntang Taiwan si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na noon ay Davao City Mayor.

Ibinahagi ni Dela Rosa ang karanasang ito nitong Lunes ng gabi habang pinag-uusapan ng kanyang mga kasamahan sa plenaryo ang tungkol sa pekeng electronic arrival card (Ecard) at ilang lumang requirements na ipinapatupad pa rin ng customs at immigration workers sa airport.

“Alam mo yung P10,000, naging biktima ako nyan kasi nung bumyahe ako sa Taiwan, may dala akong P11,000 at hinold ako ng immigration dahil akala nila OFW (overseas Filipino worker) ako. Baka akala nila construction worker ako ba na pupunta ako doon, hinold ako,” aniya ng mambabatas.

Nakalaya lang daw siya matapos sabihin ni Duterte sa mga immigration officer na kasama niya si Dela Rosa.
LIZA SORIANO