‘BATO’ NANINDIGAN SA POSISYON SA VFA

Ronald-dela-Rosa

HUMINGI ng paumanhin si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa mga kasamahang senador dahil hindi niya susuportahan ang resolusyon na naglalayon na kuwestiyunin sa Supreme Court ang ginawang pagbasura ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos ng walang concurrence ng Senado.

Iginiit ni Dela Rosa na magkatampuhan man sila ng mga kasamahang senador ay maninindigan siya sa naging desisyon ng Pangulong Duterte.

Paliwanag ng senador, hindi na kailangan ang interpretasyon ng Korte Suprema dahil malinaw na walang sinasabi sa Konstitusyon na kailangan ng concurrence ng Senado sa pagbasura sa tratado na pinasok ng Filipinas.

Inamin din ni Dela Rosa na hindi rin maaaring sumang-ayon siya sa naturang resolusyon dahil isa sa mga dahilan ng pagbasura ng ­Pangulong Duterte sa VFA ay ang pagkansela ng kanyang visa.

Bukod sa kanyang pani­niwala, nahihiya rin ang senador na baka sumbatan siya ng Pangulo na matapos siyang ipaglaban ay sasang-ayon siya sa pagkuwestiyon sa SC kaugnay sa pagbasura sa VFA. VICKY CERVALES

Comments are closed.