UMUPO na kahapon bilang bagong director ng Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prisons (NBP) si dating PNP chief retired Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa Muntinlupa City.
Sa pagdating ni Dela Rosa sa BuCor ay mainit na tinanggap ng mga empleyado ang kanilang bagong hepe na kaagad na namang umikot sa kanyang nasasakupan at binisita rin niya ang Building 14 kung saan nakapiit ang mga drug pusher at high profile inmates.
Sa kanyang una at huling pagharap sa umaabot na 60 bilanggo sa nabanggit na piitan, sinabi ni Dela Rosa na wala siyang pakialam kung mayaman ang mga ito at matigas nitong sinabi na siya ang siga sa loob ng BuCor.
Kanya ring inilatag ang mga bagong polisiya na nais niyang gawin sa loob ng pambansang piitan sa Muntinlupa City.
Ayon kay Dela Rosa, nais niyang linisin ang korapsiyon at iligal na droga sa loob ng NBP.
Sa kabila ng kanyang matigas na pananalita sa mga bilanggo, idinagdag ni Dela Rosa na handa naman siyang tumulong sa mga bilanggo na nagnanais na magbagong buhay.
Para naman sa mga empleyado ng BuCor, inihayag ni Dela Rosa na ayaw niya na may duwag sa kanyang mga tauhan sa ahensiya at hindi aniya rin nararapat na matakot ang mga ito sa mga drug lord sa loob ng bilibid.
Hinimok din ni Dela Rosa ang kanyang mga tauhan na huwag matakot magsumbong sa kanya kung may alam silang korapsiyon at ilegalidad sa loob ng nasabing piitan dahil sa kanyang pag-upo ay ititigil na niya ito at handang kasuhan ang mga Bucor personnel na nababayaran para lamang maitago ang mga anomalya sa loob ng NBP.
Sa panig naman ng umento sa sahod ng mga BuCor personnel, aniya’y kanyang gagawan ng paraan ang kanilang salary standardization upang kahit papaano ay mai-angat ang kanilang mga sahod.
Nangako si Dela Rosa na kanyang ipatitigil ang lahat ng anomalya sa loob ng NBP habang siya ang nakaupo bilang bagong hepe ng NBP. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.