ISA UMANONG opisyal ng Department of Justice (DOJ) na kamag-anak ng isang kumakandidatong opisyal sa Albay ang di-umano’y gumagamit ng kanyang posisyon upang impluwensiyahan ang kaso ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo na ngayon ay inaakusahang utak sa pagpatay kay dating AKO-BIKOL Congressman Batocabe.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa tanggapan ng DOJ, isa umanong “Usec. Perete” na umano ay kamag-anak ng tumatakbong alkalde ngayon sa Daraga ang bumabraso upang impluwensiyahan ang kaso. Liban kay Rodel Batocabe, tumatakbo bilang alkalde si Victor Perete, ang bise alkalde ng siyudad na siya namang kamag-anak ng nasabing usec ng DOJ. Bukod sa “Usec. Perete” na ito, nakikialam din diumano ang isang tauhan ng prosecution na nais din impluwensiyahan ang resolusyon ng kaso.
Sinabi ng source na layunin diumano ay maidiin sa kaso si Mayor Baldo sa kabila ng kawalan ng matibay na ebidensyang mag-uugnay rito sa pagpaslang kay Batocabe noong Disyembre 2018. Napatay ng hindi pa nakikilalang mga salarin si Batocabe habang panauhing pandangal ito sa isang aktibidades sa Albay.
Balak diumano ni Batocabe na tumakbong alkalde ng Daraga sa engganyo ng kanyang mga kaibigan sa AKO-BIKOL, partiku-lar ang mangangalakal na si Sandy Co na tumatayong financier ng partylist. Malaki ang potensyal ng Daraga bilang lugar kung saan itatayo ang bagong Bicol International Airport na nagkakahalaga ng P4.8 bilyon.
Batay sa ulat, dinidiin diumano si Mayor Baldo sa kaso ng pagpatay kay Batocabe upang mahirapan itong mangampanya para sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde ng Daraga. Sa naisagawang sarbey ng mga tumatakbong alkalde ng lungsod, nangunguna pa rin si Mayor Baldo na may 85% trust rating na sinundan ni Rodel Batocabe (9%) at Perete (6%).
Kasabwat diumano sa plano ang isang prosecutor ng Camarines Sur na siyang nagsampa ng kasong illegal possession of fire-arms laban kay Mayor Baldo.
Kasalukuyang nakalalaya si Mayor Baldo bunsod na rin sa order ng husgado na nagbigay ng pagkakataon sa kanya upang makapagpiyansa samantalang patuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ni Batocabe.
Nananatiling inosente si Mayor Baldo sa pagkamatay ni Batocabe habang wala pang matibay na ebidensyang nagsasangkot dito.
Comments are closed.