BATTLE OF CHAMPS: GINEBRA VS TNT

pba 3x3

Mga laro bukas:
(Ynares Arena- Pasig)
5 p.m. – Converge vs NLEX
7:30 p.m. – TNT vs Ginebra

TARGET ng TNT ang ikalawang sunod na panalo habang sisikapin ng Barangay Ginebra na putulin ang two-game losing skein sa kanilang paghaharap sa PBA On Tour ngayong Biyernes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Nakatakda ang laro sa alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Converge at NLEX sa alas-5 ng hapon.

Duelo ito sa pagitan ng Commissioner’s Cup champ at ng Governors’ Cup titlist subalit wala ang kanilang main men na kundi nasa Gilas Pilipinas training pool ay nagpapahinga matapos ang mahabang PBA Season 47.

Sa halip ay maglalaro ang dalawang koponan na kasama ang kanilang second stringers na pinalakas ng kanilang champion players sa PBA 3×3.

Nariyan ang quartet nina Almond Vosotros, Lervin Flores, Gwynn Mendoza at Ping Exciminiano para sa TNT at ang grupo nina Kim Aurin, Raphael Cu, Donald Gumaru at Ralph Salcedo para sa Ginebra. Ang dalawang koponan ay kapwa namamayagpag sa PBA 3×3 season.

At may malaki silang naiaambag sa kanilang mga koponan sa preseason series.

Si Vosotros, kabilang sa most prolific PBA 3×3 players, ay nagpakawala ng apat na tres at kabuuang 16 points nang maitala ng Tropang Giga ang kanilang unang panalo sa On Tour sa 96-88 pagbasura sa Phoenix Super LPG Fuel Masters noong Miyerkoles.

At umaasa ang Tropa na maipagpatuloy ang panalo para sa disenteng pagtatapos sa series at makakuha ng momentum na kanilang magagamit sa season proper.

Ganito rin ang hinahangad ng Gin Kings matapos matalo sa kanilang huling dalawang laro at bumagsak sa 4-5 kartada.

Puntirya ni Richard del Rosario at ng kanyang tropa na manalo sa kanilang huling dalawang laro kontra TNT at NLEX para tumapos na may winning mark (6-5).

Samantala, makakaharap ng Tropa ang Gin Kings, NLEX Road Warriors at Blackwater Bossing sa kanilang final assignments. Pipilitin nilang walisin ang naturang mga laro at tumapos sa 4-7.

Sa TNT-Ginebra duel, asahan ang tapatan nina Glenn Khobuntin, Vosotros, Carl Bryan Cruz, Jaydee Tungcab at Kib Montalbo at Nards Pinto, Raymond Aguilar, Aljon Mariano at Von Pessumal.

-CLYDE MARIANO