‘BATTLE OF ESTEROS’ PARA SA CLEAN UP DRIVE

Estero de Tripa de Gallina

SABAY-SABAY na nagsagawa ng clean-up drive ang mga barangay officials sa Metro Manila sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tinawag na Battle of Esteros bilang patuloy na bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Program.

Mismong sina Environment Secretary Roy Cimatu at Interior Secretary Eduardo Año ang nanguna sa ginanap na clean-up drive sa bahagi ng Estero de Tripa de Gallina sa Pasay City.

Kabilang sa mga lugar na tinutukan ng mga opisyal para linisin ang lugar ay ang Tullahan, Tinajeros River, Marikina River, Manggahan Floodway, Pasig River, Malabon-Navotas River, Las Pinas-Zapote River, San Juan River, Parañaque River at Taguig-Pateros River kung saan katuwang din ang mga tauhan ng barangay sa mga nabanggit na lugar para maging matagumpay ang proyekto.

Nakita ni Cimatu ang grabeng sitwasyon ng mga naturang ilog kung kayat panahon na aniyang simulan ang paglilinis dito dahi-lan sa ang tubig ng mga naturang mga ilog ay may koneksyon sa daluyan ng tubig patungong Manila Bay.

Todo asikaso rin sina DENR Undersecretary Benny Antiporda at DILG Undersecretary Epimaco Densing III sa paglilinis ng mga estero sa lugar na pawang umaasang sa pamamagitan ng naturang hakbang, maitatanim na sa mga isipan ng bawat isa na matigil na ang pagtatapon ng mga basura sa mga estero’t kanal sa Metro Manila.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.