BAUTISTA, GANTALA HATAW SA 2ND LEG NG REUNION SWIM CHALLENGE

NASUNGKIT nina Lance Jacob Bautista at Ivoh Gantala ang tatlong gintong medalya sa kani-kanilang age-group class sa boys’ division ng second leg ng Reunion Swim Challenge nitong Sabado sa Teofilo Ildefonso Olympic-sized pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Itinanghal na winningest swimmer sa boys’ 11-year-old class si Bautista ng Aquaknights Swim Team matapos manalo sa 100-m breastroke (class A) sa oras na 1:30.83; 200-m breast sa Class B (3:09.65) at 100-m butterfly sa Class C (1:41.90) sa kompetisyong inorganisa ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA).

“Masaya po kami at nagbalik na rin ang competition after mag-lockdown dahil sa pandemic. Nakaka-proud lang po dahil after ng mahabang pahinga naipanalo ko po ‘yung unang tatlong events ko,” sabi ng Grade 5 student sa Amadeo Elementary School sa Cavite.

Ipinadama naman ng ipinagmamalaki ng Eastern Aquatic Swim Team ng Antipolo City na si Gantala ang kanyang presensiya sa 10-years old Class A 100-m butterfly sa oras na 1:27.30; 50-m backstroke ( 38.88) at 100-m breast (Class na may oras na 1:43.70.

“Kahit bakasyon nag-training kami. Gusto ko po maging good example sa mga kapwa bata ko na better to focus on studies and sports kaysa po mag-mobile game,” pahayag ni Gantala, Grade 4 student-athlete scholar ng RJSMC Montessori Center sa Antipolo City.

Iginawad nina COPA co-founder Chito Rivera at Technical Head Richard Luna ang mga medalya sa lahat ng mga nanalo sa pagbubukas ng dalawang araw na kompetisyon na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC). Magpapatuloy ang aksiyon ngayon (Linggo) para sa mga babaeng swimmers. Nagpasya ang COPA na hatiin ang mga manlalangoy sa dalawang maliliit na grupo bilang bahagi ng ‘safety protocol’.

“Matagal din tayong nabakante. Ngayon nag-umpisa na ulit. It’s a good turnout, our swimmers are happy because they played in a good environment, it’s an Olympic-size pool and the competition is managed by professional technical officials,” sabi ni Rivera, varsity coach din ng Jose Rizal University sa NCAA.

“Aside from competitions, we are also preparing the resumption of our ‘Train the Trainors’ programs. Kailangan natin ito para lumawak at masanay nang todo ang ating mga coaches. With Batangas Congressman Eric Buhain leading the COPA, no doubt, ma-achieve natin ang success sa swimming,” aniya.

Ang iba pang mga nanalo ay sina Evan Mathew Elmos ng Sta. Rosa sa 8-yrs 100-m freestyle (class A, 1:45.86); Caleb Pascua ng Gree Blasters (class C, 2:21.26); Dominic Young ng Eastern sa 11-yrs 100-m breast (class B, 1:41.19); Manuel Nuyana ng Aquaknights (class C, 3:13.11); Christoffe Boletche sa 12-yrs 100m breast (class A, 1:25. 46); Sebastian Castejon (class B, 1:36.94); Mark Perez (class C, 1:56.77);

Asthon Jose sa 13-yrs 100-m breast (class A, 1:17.26); Luize Quiambao (class B, 1:26.38); Patrick Lapuz (class C, 1:43.32); Yuri Acidre sa 14-yrs 100-m breast (class A, 1:16.42); Greg Anthony Muyong (class B, 1:21.59); Aguila Solis (class C, 1:35.35); Eleardo Manobo sa 15-over 100, breast (class A, 1:13.20); Yao Acidre (class B, 1:20.11) at Sean Red Villarete (class C, 1:33.24).