NATATANDAAN ko pa ang awit ni Celeste Legaspi tungkol sa Saranggola. ‘Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe. Matayog ang pan-garap ng matandang bingi…”
Sa totoo lang, malalim ang mensahe ng nasabing awitin. Si Pepe rito ay si Jose Rizal at ang kanyang mga pangarap sa ating Bayan. Ang mga su-munod na titik sa awit ay iniuugnay sa mga pangyayari noong panahon ng Martial Law. Kaya naman kapag hindi mo pakikinggan ang mga titik ng awit na ito, tila walang katuturan. Isinulat at nilikha ang nasabing awitin ni Nonoy Gallardo na asawa ni Celeste Legaspi noong 1977.
Subalit nabanggit ko lamang ito bilang karugtong na mensahe na nais ipaabot sa mga mahilig magpalipad ng saranggola sa mga panahon ngayon. Ito marahil ay dulot ng ECQ kaya marami ang nag-iisip ng mga pampalipas oras.
Ngunit ang pagpapalipad ng saranggola ay isa na hindi dapat ginagawa ngayon maski na ito ang buwan ng panahon ng saranggola. Bakit? Una, tahasang lumabag ka na sa utos na manatili sa loob ng tahanan kapag nagpalipad ka ng saranggola sa labas. Ikalawa, malinaw sa utos na maaari ka lamang makalabas ng inyong tahanan kapag may sapat na dokumento na ikaw ay nagtatrabaho bilang frontliner sa opsital laban sa COVID-19 o may ginagampanan na mahalagang trabaho sa pagbibigay ng basic services tulad ng pagkain, gamot, tubig, gasolina at koryente.
Maaring lumabas lamang kapag bibili ka ng pagkain, may kailangan sa bangko o bibili ng gamot. Maliban diyan, manatili lamang tayo sa ating mga kabahayan.
Kaya naman nananawagan ang Meralco na itigil ang pagpapalipad ng saranggola, lalo na sa mga lugar na malapit sa kawad ng koryente. Dahilan kasi ito ng pagkawala ng suplay ng koryente lalo na sa mga opsital kung saan mahalaga ang patuloy na operasyon ng mga ito.
Nakikiusap si Joe Zaldarriaga ng Meralco sa ating mga kababayan na huwag na muna tayong magpalipad ng saranggola. Hindi raw kasi ito nakatu-tulong, bagkus ay nakakaperwisyo pa ito hindi lamang sa Meralco, kundi higit sa lahat sa taumbayan na umaasa ng patuloy na daloy ng koryente na sineserbisyuhan ng Meralco, lalo na yaong mga vital facilities tulad ng hospital.
Ayon sa ulat mula sa Meralco, sa loob ng isang buwan mula nang ipinatupad ang ECQ, 47 na ang mga power interruptions dahil sa mga saranggola at iba pang mga uri na lumilipad at sumabit sa mga kawad ng koryente.
Dahil dito, naapektuhan ang mahigit na 700, 000 customers kasama na rito ang 13 frontline hospitals at medical facilities. Mahigit 260 na pirasong saranggola ang nakukuha kada araw mula nang ipinatupad ang ECQ. Sana naman ay making ang ating taumbayan na itigil na ito. Hindi ngayon na-papanahon na magsaranggola si Pepe.
Comments are closed.