BAWAL NA ANG PANINIGARILYO SA MERALCO

Magkape Muna Tayo Ulit

ANG bagong liderato ng Meralco ay nagsusulong ng mga makabago at kakaibang polisiya at patakaran upang mas mapabuti ang kanilang pagbibigay serbisyo sa kanilang customers. Bukod dito, mahalaga rin sa kanila ang kapakanan at kalusugan ng kanilang mga empleyado.

Kaya naman upang masiguro na ang lahat ng nagtatrabaho sa Meralco ay malusog at makakaiwas sa sakit o karamdaman, nag-anunsiyo ang Meralco na bawal na ang paninigarilyo, kasama na ang vape at e-cigarettes sa lahat ng kanilang pasilidad simula ngayong buwan ng Marso.

Upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng nasabing polisiya, naglagay ng malalaki at prominenteng signages o karatula sa lahat ng kanilang pasilidad. Kasama rito ang mga dating lugar kung saan maaaring manigarilyo ang kanilang mga empleyado. Ang kanilang mga guwardya ay lilibot sa kapaligiran ng lahat ng pasilidad ng Meralco upang masiguro ang pagpapatupad ng nasabing polisiyang “NO SMOKING”.

Para naman sa kanilang mga empleyado na sa kasalukuyan ay regular na naninigarilyo, mag-aalok sila ng tinatawag na ‘Smoking Cessation Program’. Ito ay para sa mga interesado ngunit nahihirapang tumigil sa paninigarilyo. Ito ay pamumunuan ng kanilang Corporate Welness Center (CWC) at mga empleyadong doctor ng Meralco. Batay kasi sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), may pag-asang 84% na magiging matagumpay ang paghihinto sa paninigarilyo sa nasabing programa.

Hindi naman kaila sa lahat ang mga sakit na maaaring makuha sanhi ng paninigarilyo. Maaaring magkaroon ng pulmonya at sakit sa puso. Ang iba pang sakit na maaaring makuha sa paninigarilyo ay bronchopulmonary cancer, chronic bronchitis, emphysema at ischaemic heart disease. Kung nais ninyong maliwanagan nang husto kung anong mga klase ang sakit na ito, magtanong sa inyong pinakamalapit na health center o kung may kilala kayong doktor.

Sa bagong liderato ni Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa, isa ito sa mga tinatawag na ‘out of the box’ na mga iniisip niya upang magkaroon ng mga panibagong pamamaraan para mapabuti ang kabuuang estado ng Meralco.  Sa katunayan, nagtayo siya ng Sustainability Office mula nang pinamunuan niya ang Meralco noong nakaraang taon. Ayon kay Espinosa, ang pagbabawal sa paninigarilyo sa kanilang mga pasilidad ay sakop sa mandato ng nasabing bagong opisina.

“With our recent emphasis on sustainability, we look to safeguard and protect both Planet and People. Here at Meralco, we are developing and executing plans and programs to protect and preserve our environment, and to embed a sustainability mindset within our organization, ensuring that our employees not only understand Environmental, Social and Corporate Governance (ESG) concepts but are also able to put these principles into practice,” wika ni  Espinosa.

Sang-ayon ako rito. Sabagay, simula’t sapul ay hindi ako nanigarilyo. Noong nag-aaral pa ako, matindi ang impluwensiya ng sigarilyo sa kabataan. Ito dati ay ‘simbolo’ ng pagiging binata. Manipis na dahilan, ngunit ito ang katotohanan. Kaya naman may mga kabataan na makikita mo na naninigarilyo sa murang edad na 12 years old. Pakiramdam nila ay binata na sila hanggang hindi na sila makaiwas sa patuloy na panini­garilyo.

Mabuti na lang at malakas ang aking paniniwala na walang magandang maidudulot ang paninigarilyo, kasama na ang matin­ding takot ko sa aking mga magulang kapag nalaman nila na naninigarilyo ako noong bata pa ako.

Bukod pa rito ay hindi naman talaga masarap ang lasa ng sigarilyo sa unang tikim, hindi ba? Nagpatuloy ang hindi ko paninigarilyo hanggang nagkaedad na ako. Bakit? Dahil binigyan ko ng halaga ang aking kalusugan. Ganoon lang kasimple.

Ang ibinabang utos ng Meralco sa pagbabawal ng paninigarilyo sa lahat ng kanilang pasilidad ay kaugnay sa Executive Order No. 26 o “Providing for the Establishment of Smoke-Free Environments in Public and Enclosed Places” na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte pati na rin ang Executive Order No. 106 na ipinagbabawal din ang vaping at e-ci­garettes sa mga pampublikong lugar.

Comments are closed.