BAWAL TAAS- PRESYO NG BILIHIN SA PARANAQUE

bilihin

MAHIGPIT na ipatutupad ng Paranaque City Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang implementasyon ng isang ordinansa sa lungsod tungkol sa price freeze.

Ayon sa hepe ng Parañaque BPLO na si Atty. Lanie Malaya, agad niyang itinalaga ang isang team na kaakibat ang Consumer Welfare Office na pinamumunuan ni Millan Alcaraz para makapagsagawa ng monitoring upang masiguro na ang price freeze nananatiling nasusunod makaraang maideklara ang buong Luzon na isailalim sa enhanced community quarantine tatlong linggo na ang nakakaraan.

Sinabi ni Malaya na naglabas din ng kautusan si Mayor Edwin Olivarez na manmanan ang mga supermarkets, public markets, talipapa at iba pang establisimyento na may negosyo sa buong lungsod upang mapanatili ang hindi pagtaas ng presyo ng mga basic commodities na ipinalbas ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ipinag-utos din ni Olivarez ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa mga establisimyentong hindi susunod sa kautusang ito.

Sinabi ni Malaya na base sa ordinansa na ipinasa at inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Parañaque, ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay awtomatikong nararapat ang agaran at mahigpit na pagpapatupad nito habang ang lungsod ay nasa panahon ng kapahamakan, kalamidad, national o lokal na emergencies.

Nakasaad din sa naturang ordinansa, ayon kay Malaya, na kung sakaling may paglabag ang isang establisimyento at may rekomendasyon din na manggagaling sa CWO, ang BPLO ay magpapatuloy sa pagpo-proseso ng pagkakansela ng business permit nito gayundin ang paglalagay ng kanilang mga negosyo sa pagba-black-list.

Kasabay nito, dagdag pa ni Malaya na magbibigay din ang BPLO sa barangay ng kopya ng kanselasyon ng business permit ng lumabag na establisimyento sa naturang ordinansa. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.