BAWAS-PASAHE SA JEEP, PIGIL SA DAGDAG-BUWIS SA LANGIS INIHIRIT

bawas pasahe

NANAWAGAN ng isang commuter group na ibalik na sa P8 ang minimum fare ng jeep at pigilan ang pangalawang tranche ng fuel excise tax.

Kasunod ito ng rekomendasyon ng Finance department na ituloy ang dagdag sa excise tax sa Ene­ro 2019.

Panawagan ni United Filipino Consumers and Commuters president RJ Javellana kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibaba na ang minimum fare mula sa P10 dahil dumadausdos na ang presyo ng langis sa mga nakalipas na linggo.

“Kami ay umaapela kay Pangulong Duterte na pamasko niyo na lang po sa amin, sa commuters, sa consumers na huwag niyo po pirmahan ang payo ng inyong economic managers na ito,” aniya.

Magmula Oktubre 15 hanggang Nobyembre 28, naglalaro sa P10.05 hanggang P10.20 kada litro ang bawas sa presyo ng gasolina, at naglalaro sa P8.45 hanggang P8.55 kada litro ang ibinawas sa diesel.

May namumuro pang rollback sa susunod na linggo.

“Sana bigyan niyo ng kaunting panahon na makabawi-bawi kami,” aniya, na nangakong pangungunahan ang hirit ng bawas-pasahe kapag nasa tamang presyuhan ang mga bilihin.

Kung matutuloy ang dagdag sa excise tax, may dagdag na P2 ang kada litro ng petrolyo simula Enero.

Ibig sabihin, P4.50 ang itatakdang excise tax sa diesel at P9 naman sa gasolina kung susumahin ang una at ikalawang bugso ng dag­dag-buwis.

Pero para kay Pasang Masda president Obet Martin, dehado sila sa pagbawi ng taas-pasahe at pagtuloy sa dagdag-buwis sa langis dahil hindi pa sila nakababawi sa nagdaaang mga taas-presyo.

Pahayag naman ng isang senador, dapat hindi na ituloy ang pagpataw ng dagdag-buwis sa 2019, lalo na’t ‘di pa raw nakababawi ang publiko sa dagdag-pres­yo ng mga bilihin.

Maglalabas ng resolusyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa susunod na linggo, bunsod ng patuloy na pagbaba ng presyo ng diesel at gasolina, maging sa nakukuhang ayuda ng mga jeepney driver.

Comments are closed.