BAWAS-SINGIL SA KORYENTE GAMIT ANG MALAMPAYA FUND

KORYENTE-4

MABABAWASAN na ang singil sa koryente ng mga konsyumer gamit ang higit P200 bilyon mula sa Malampaya fund matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11371 o “Murang Koryente Act.”

Sa ilalim ng bagong batas, sasaluhin ng Malampaya fund ang bayarin sa “stranded contract cost” at “stranded debts” o utang ng National Power Corporation (Napocor) na dating ipinasa sa mga konsyumer.

Nilagdaan ng Pa­ngulo ang batas noong Agosto 8 (Huwebes) at inilabas sa media noong Agosto 13 (Martes) ni Sen. Sherwin Gatchalian, isa sa mga sponsor ng batas sa Senado.

Lumilitaw na ang tiyak na sasaluhin ng P208 bilyon galing sa Malampaya fund ay ang mga nakatengga at “future application” para sa dagdag-singil, na aabot sa P0.87 kada kilowatt hour (kWh).

“Ang sigurado, wala nang magiging kasunod pa na pagpataw o pagpasa ng stranded debt at stranded contract cost,” ani Energy Regulatory Commission Spokesperson Rexie Baldo-Digal.

Hindi pa tiyak kung kayang saluhin ng Malampaya fund ang kasalukuyang P0.09 na binabayaran ng kons­yumer.

“Ang usapan namin ibe-base nila ‘yan sa cash flow e. For example, maluwag ang cash flow, puwede pa ring tanggalin ang P0.09,” ani Gatcha­lian.

Gagawa ang Department of Finance at Department of Energy ng mga patakaran sa pagpapatupad ng batas.

Bago umiral ang “Murang Koryente Act,” tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) na papatak na sa susunod na buwan ang hiwalay pang refund dahil sa sobrang nasingil sa mga kons­yumer.

Minimum na P0.04 kada kWh ang bawas-singil sa Setyembre pero puwede pang lumaki depende sa diskarte ng Me­ralco.

“Kung mas shorter iyong period na ibabalik mo ‘yong refund sa mga consumer, definitely mas lalaki iyan doon sa P0.04 na sinabi ng regulator,” ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Mula Mayo hanggang Agosto o apat na buwang magkasunod nang magsimulang bumaba ang singil ng Meralco.

Comments are closed.