MAS MABABANG SINGIL SA KURYENTE. Makikinabang ang customers ng Meralco sa pagbaba ng singil sa kuryente ngayong Oktubre, pagkatapos nitong bumaba ng P0.3587 kada kWh. Katumbas ito ng P72 na kabawasan sa kabuuang bill ng pangkariniwang pamilyang kumokonsumo ng 200kWh.
Magandang balita ang hatid ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer nito ngayong Oktubre matapos ianunsyo ng kumpanya ang P0.36 kada kWh na tapyas sa singil sa kuryente kaya bumaba sa P11.43 kada kWh ang kabuuang rate para sa isang tipikal na residential customer.
Ayon kay Meralco Vice President and Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, nasa P72 ang kabuuang bawas sa electric bill ng mga pamilyang kumonkonsumo ng 200 kWh kada buwan, habang nasa P108 naman ang ibababa para sa mga kumokonsumo ng 300 kWh; P143 para sa 400kWh at P179 para sa pamilyang kumokonsumo ng 500kWh.
Ang bawas-singil sa kuryente ng Meralco ay makatutulong sa bulsa ng mga konsyumer lalo na at may pagtaas ng presyo ng gasoline ngayong linggo.
Paliwanag ni Zaldarriaga, ang bawas-singil sa kuryente ngayong buwan ay dulot ng pagbaba ng generation charge na bunsod naman ng mas mababang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Bumaba ang singil mula sa WESM kasunod ng pagtatapos noong Setyembre ng koleksyon ng ipinagpalibang singil noong Mayo na nauna nang ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC). Nakatulong din sa pagbaba ng singil mula sa WESM ang pagbaba ng demand sa kuryente at pagkakaroon ng sapat na suplay sa Luzon grid.
Dagdag pa ni Zaldarriaga, natabunan ng mas mababang singil mula sa WESM ang pagtataas ng mga singil mula sa mga plantang Sta. Rita at San Lorenzo ng First Gas kasunod ng pagpayag ng ERC na ipatupad simula ngayong Oktubre ang mas mataas na ipinapasang singil sa fuel ng Malampaya sa ilalim ng kanilang mga bagong Gas Sale and Purchase Agreement (GSPA) sa Malampaya consortium. Bukod pa sa mas mataas na Malampaya gas price, pinayagan din ng ERC ang utay-utay na koleksyon sa loob ng 12 buwan ng diperensya sa mga gastusin sa pagitan ng luma at bagong mga GSPA mula buwan ng Enero 2024 hanggang Agosto 2024.
Nakatulong din sa kabuuang bawas-singil sa kuryente ang P0.0383 kada kWh na bawas sa transmission charge dahil sa mas mababang mga ancillary service charge. Nagtala naman ng P0.0145 kada kWh na pangkalahatang pagbaba ang buwis at iba pang mga singil.
Binigyang diin ni Zaldarriaga na wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Mga paalala sa publiko
Nagpaalala naman ang Meralco sa publiko na ugaliin ang masinop na paggamit sa kuryente.
“Bukod sa rates, nakakaapekto din sa binabayaranan natin buwan-buwan ang aktwal na konsumo kaya patuloy kaming nagpapaalala sa mga customer at publiko na patuloy na maging masinop sa paggamit ng kuryente,” ani Zaldarriaga.
Narito ang ilang tip para sa masinop paggamit ng kuryente:
- Tanggalin sa pagkakasaksak ang mga appliance na hindi ginagamit
- Huwag punuin ang refrigerator upang makaikot ng maigi ang malamig na hangin sa loob
- Ugaliing magplantsa ng damit ng maramihan
- Gamitin ang natural na liwanag kung hindi naman kinakailangan magbukas ng ilaw
- I-optimize ang temperature setting ng aircon sa 25℃ kaysa 18℃ at panatilihing malinis ang filter nito
Pinapaalalahanan din ni Zaldarriaga ang mga customer na ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente
- Iwasan ang “octopus connection” o ang pagdugtung-dugtong ng mga extension cord sa isang power outlet dahil maaari itong maging sanhi ng sunog at iba pang aksidente.
- Iligpit ng maayos ang mga kable ng kuryente lalo na kung hindi ginagamit
- Tiyaking hindi nababasa ang mga appliance at mga gadget
- Huwag ilagay ang mga wire at cord sa ilalim ng mga basahan o carpet dahil maaari itong masira lalo na kung laging natatapakan
- Tiyaking tuyo ang mga saksakan bago ito gamitin
Upang maiwasang mabiktima ng panloloko lalo’t nalalapit na ang Pasko, nag-abiso rin si Zaldarriaga na maging alerto at makipagtransaksyon lamang sa mga awtorisadong kinatawan ng Meralco.
“Dagdag paalala rin sa aming mga customer na ang lahat ng transaksyon sa Meralco, kabilang na ang pagbabayad ng mga bill, ay mayroong kasamang opisyal na resibo at dapat idaan lamang sa mga opisina ng kumpanya o Business Center pati na rin sa mga opisyal na channel o awtorisadong payment partner,” aniya.
Ani Zaldarriaga, ang mga empleyado at kinatawan ng Meralco ay nakasuot ng kumpletong uniporme na may kasamang ID at gumagamit ng mga opisyal na sasakyan na mayroong Meralco logo.