BAWAS-SINGIL SA TUBIG SASALUBONG SA 2021

TUBIG-13

BABABA ang singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water sa unang tatlong buwan ng 2021.

Ito ay makaraang aprubahan ng  Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang quarterly adjustment para sa water distribution utilities.

Inanunsiyo ng MWSS Regulatory Office (RO) na inaprubahan ng MWSS Board of Trustees ang rekomendasyon nito na ipatupad ang 2021 first quarter foreign currency differential adjustment (FCDA), simula sa Enero 1, 2021, base sa pagsusuri nito sa FCDA proposals ng mga concessionaires.

Ang Manila Water na nagkakaloob ng water at wastewater services para sa  East Zone concession area ay magpapatupad ng FCDA na 0.66 percent ng 2021 Average Basic Charge nito na P28.52 per cubic meter o P0.19 per cubic meter. Mas mababa ito ng P0.14 per cubic meter mula sa naunang FCDA na P0.33 per cubic meter.

Dahil dito, ang mga residential customer ng Manila Water na kumokonsumo ng 10 cubic meters o mas mababa (maliban sa life-line customers na exempted sa  quarterly FCDA charges) ay inaasahang magkakaroon ng tapyas sa kanilang monthly bills ng P0.76 per month.

Ang mga kumokonsumo ng 20 cubic meters per month at  30 cubic meters per month ay may bawas naman na P1.69 at P3.45, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, ang Maynilad na nagseserbisyo sa West Zone concession area ay magpapatupad ng FCDA na negative 0.39 percent ng 2021 Average Basic Charge nito na P36.24 per cubic meter o negative P0.14 per cubic meter. Mas mababa rin ito ng P0.05 per cubic meter mula sa dating FCDA na negative P0.09 per cubic meter.

Dahil dito, ang residential customers ng Maynilad na kumokonsumo ng 10 cubic meters o mas mababa pa ay magkakaroon ng bawas na P0.05 sa kanilang monthly bill.

“Those consuming 20 cubic meters per month and 30 cubic meters per month are expected to have a decrease of P0.64 and P1.30 respectively on their bills this coming quarter,” ayon sa MWSS.

Comments are closed.