MAS MAINAM ngayon na dahil inabot na ng mid-term election ay mas mahabang panahon ang naibigay nito sa pag-educate sa mamamayan ukol sa Bayanihan Federalism. Ang Bayanihan Federalism ay susi sa pag-asenso ng bansa at para masolusyunan ang lumalawig na pagkakalayo ng kita ng iilan sa mga ordinaryong mamamayan.
Ito na ang sagot upang mapahina ang control ng oligarkiya sa pamahalaan at ekonomiya at upang mapaigting ang kapangyarihan ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-eestablisa ng mga Federated Region na makatatamo ng power-sharing sa National Federal Government.
Sa ilalim ng Bayanihan Federalism ay magkakaroon ng mas malaking pondo ang mga rehiyon at hindi na makokopo ng isang naghaharing pamahalaan o unitary o centralized government. Nasa 50% na lamang kasi ang mapupunta mula sa kita ng mga Federated Region papunta sa National Federal Government at ang 50% o higit pa ay maiiwan at mapupunta na sa Federated Region upang maipantustos nito sa kani-kanilang mga programang pang-asenso.
Lalong mapalalakas ang demokrasya sa ilalim ng Bayanihan Federalism, mabubuwag nga lamang ang centralized o unitary form of government na siyang playground ng oligarkiya sa bansa, at wawasak ito sa political dynasty sa bansa kung saan ipagbabawal na hindi lamang ang sabay na pagtakbo ng magkamag-anak up to second degree of consanguinity sa lokal man o nasyonal na posisyon. Ang maaari na lamang ay isang kaanak sa lokal at maaari ang isang kaanak sa nasyonal na posisyon. Hindi na rin maaari na matapos ang termino ng isang opisyal ay tatakbo pagkatapos ang isang kaanak, dahil kinakailangan nang magpalipas ng isang eleksiyon bago makatakbo ang isang kaanak para sa parehong posisyon.
Alam ba ninyo, mga kamasa, na ang kita ng 25 indibidwal sa Filipinas na pawang mga bilyonaryo ay katumbas ng pinagsama-samang kita ng 25 milyong mga Filipino?
Dapat magbago na ito, dahil hindi lamang ito bansa ng 25 na katao kundi ng 100 milyong mga Filipino.
Ang Bayanihan Federalism ay hindi agarang solusyon sa mga suliranin ng bansa ngunit simula ito ng tunay na pagbabago sa Filipinas na magpapatuloy hanggang sa mga susunod na henerasyon ng mga Filipino.
Nararapat na maintindihan ng bawat Filipino ang Bayanihan Federalism upang hindi basta-basta magpadala sa mga bumabatikos dito.
Ang pagsugpo sa epidemya sa droga ay unang hakbang lamang para masiguro na maganda ang kinabukasan ng bansa, ang magsisiguro nito ay isang sistema ng pamamahala na lalansag sa pangmamanipula sa masa.
Magandang pagkakataon ito na magkaroon ng sapat na panahon upang ma-educate ang mamamayang Filipino na sa ngayon ay sa pamamagitan ng isang regular na Federalism Roadshow at weekly media public forum.
Sa diwa ng bayanihan, ating isulong ang Bayanihan Federalismo Bay-Fed para sa tunay na pagbabago!
Comments are closed.