MULING nanawagan si Senadora Grace Poe sa gobyerno na madaliin ang pagbabayad sa mga drayber sa ilalim ng service contracting program sa gitna ng pandemya.
“Naibigay na ang serbisyo. Nandiyan na rin ang pondo. Nararapat lamang na mabayaran na ang mga drayber,” pahayag ni Poe.
“Hirap na ang ating mga kababayan sa transport sector dahil sa pandemya, taas ng presyo ng langis at mahal na bilihin. Hindi na dapat dagdagan ang kalbaryo nila sa pagpapahintay sa bayad na dapat matagal na nilang nakuha,” dagdag pa ng senadora.
Iginiit ni Poe na kailangang mahigpit ang koordinasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na siyang nagpapatupad ng programa, sa Land Bank of the Philippines upang masigurong hindi naaantala ang pagbabayad sa mga drayber.
“Inaasahan natin ang madaliang pagkilos ng mga ahensiya para agad mabayaran ang mga tsuper na umaasa dito. Bawat oras na lumilipas ay matagal na paghihintay sa gitna ng kanilang kakapusan,” giit ni Poe.
Sa pagbubukas pa ng ekonomiya at pagpapaluwag ng mga restriction, ipinaalala ni Poe na mas kailangan ngayon ng mga mamamayan ang dagdag na mga bus, jeep at iba pang pampublikong transportasyon para sa kanilang pagbiyahe.
“Ito ang talagang Catch 22 — iyong mga pasahero, walang masyadong masakyan dahil punuan din iyong mga sasakyan na available ngayon. Pero iyong mga drayber, wala namang insentibong pumasada dahil napakamahal ng gasolina,” paliwanag ni Poe.
Binigyang-diin pa ni Poe na ang service contracting program ay dapat tumugon sa tumataas na pangangailangan ng pampublikong transportasyon sa gitna ng pagbubukas ng mas maraming negosyo at napipintong pagbabalik ng face-to-face classes sa ilang paaralan.
Iginiit ng senadora na ang isyu ng pagkaantala sa pagbabayad, underspending at iba pang hadlang sa implementasyon ng programa ay dapat agad nireresolba upang mas marami ang magtiwala at makiisa sa inisyatibang ito.
Sinabi ni Poe na ilang transport groups ang nagpahayag ng kanilang hinaing hinggil sa hindi pa nababayarang serbisyo sa ilalim ng programa.
Ayon sa datos ng ilang organisasyon ng mga drayber ng bus, hindi bababa sa P18 milyon ang naiiwan pang bayarin sa kanila ng gobyerno.
Iginiit ni Poe na dapat magbigay ang pamahalaan ng malinaw na sagot sa mga drayber kung kailan makukuha ang kanilang bayad.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 law na nag-expire noong Hunyo 30, naglaan ng P5.58-bilyong pondo para sa service contracting program.
Gayunpaman, upang maipagpatuloy ang programa, naglaan ng karagdagang P3-bilyong pondo sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA).
Sa pahayag noong Oktubre 25, sinabi ng LTFRB na naipamahagi na ang P2,289,506,007 mula Setyembre 13 hanggang Oktubre 23 sa ilalim ng Bayanihan 2 habang nasa P539,672,859 ang naibigay nila sa naturang panahon sa ilalim ng GAA.
“Kailangan pang bilisan ang pagbabayad ng natitirang bilyon-bilyong pondo sa ilalim ng programa. Walang puwang ang kawalan ng tugon sa gitna ng paghihirap ng ating mga drayber na humanap ng pagkakakitaan habang ang mga pasahero naman ay nag-aagawan ng masasakyan,” dagdag ni Poe. VICKY CERVALES