BAYAN MUNA AT CPP-NPA IISANG MUKHA LAMANG?

Magkape Muna Tayo Ulit

MATAGAL nang iniuugnay ang Bayan Muna sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) ngunit patuloy rin nila itong itinatanggi.

Isa si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga naniniwalang may kaugnayan ang dalawang grupo. Bilang resulta ng mga pangyayari kamakailan, tila may malinaw nang basehan ang mga pahayag ni Lorenzana.

Kamakailan ay napabalita ang pagkamatay ng anak ni Bayan Muna Representative Eufemia Campos Cullamat na si Jevilyn Campos Cullamat. Ayon sa mga ulat, naipit sa gitna ng engkwentro ang anak ni Bayan Muna Representative Cullamat sa Barangay San Isidro, Marihatag noong ika-28 ng Nobyembre habang ito ay nagsisilbi bilang medic ng nasabing militanteng grupo.

Paano pa nga ba maaaring maitanggi ang uganayan kung mismong anak ng representante ng Bayan Muna ay napatunayang nasa kuta ng mga CPP-NPA? Tila nahihirapan na ang Bayan Muna na itago ang kaugnayan nito sa nasabing grupo.

Maaalala rin na kamakailan ay itinanggi ni CPP Founding Chairman Jose Maria Sison na tinukoy nito ang mga makakaliwang grupo bilang communist front sa kanyang talumpati noong 1988. Nakapagtataka na tila inabot na ng higit sa tatlong dekada bago nito itinanggi ang nasabing pahayag. Ngunit tila sila-sila na rin mismo ang nagiging sanhi upang maibunyag ang itinatagong ugnayan sa isa’t isa. Ang dating representante ng Bayan Muna na si Teddy Casino ay tila nadulas nang magbitaw ito ng pahayag na ang mga makakaliwang grupo ay nagsisilbing pinagkukuhanan ng mga bagong miyembro para sa mga NPA. Malinaw na magkataliwas ang pahayag nina Sison at Casino.

Kilalang-kilala ang Bayan Muna bilang isang grupong madalas manuligsa sa pamahalaan at maging sa mga pribadong kompanya. Ang mga grupong gaya ng Bayan Muna ay dapat nagsisilbi bilang boses ng mamamayang Filipino. Sa pangalan pa lamang ng grupo, malinaw na ang dapat na isinusulong ng mga ito ay ang interes ng bayan. Ang mga grupong gaya nila ay dapat nagsusulong ng pagiging progresibo ng bansa ngunit tila taliwas dito ang ginagawa ng Bayan Muna.

Kung iisipin ay normal naman sa isang demokratikong pamahalaan ang pagkakaroon ng mga grupong kontra sa pamahalaan. Ito ang diwa ng demokrasya. Ito rin ay karaniwang nagsisilbing boses ng mga mamamayan. Kailangan ito sa pagkakaroon ng progresibong ekonomiya. Ang hindi normal ay ang pamamaraan ng Bayan Muna dahil tila wala na itong nakitang maganda sa ginawa ng pamahalaan. Maging ang mga pribadong kompanyang nakikiisa sa mga adhikain ng pamahalaan ay inaatake ng Bayan Muna.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na malaki ang papel na ginagampanan ng koryente sa kaunlaran ng bansa lalo na’t ang pangunahing programa ni Pangulong Duterte ay ang Build, Build, Build. Napakahalaga ng koryente upang masuportahan ang programang ito na ukol sa imprastraktura sa bansa. Ito ang dahilan kung bakit hindi na rin kataka-taka kung bakit mainit ang mata ng Bayan Muna sa Meralco.

Ang Meralco ang pinakamalaking distribyutor ng koryente sa bansa at nasasakop nito ang sentro ng komersiyo at kalakalan, ang NCR. Kaisa ng pamahalaan ang Meralco at ang buong industriya ng koryente sa pagpapababa ng presyo ng koryente at sa pagsiguro na mayroong sapat na supply nito sa bansa.

Maalalang dating naging kontrobersiyal na usapin ang tinawag ni Zarate na “Sweetheart Deals” sa pagitan ng Meralco at ng Energy Regulatory Commission (ERC). Pilit binabahiran ni Zarate ng dungis at duda ang mga power supply agreement (PSA) na isinumite ng Meralco. Kapag nabigyan ng pahintulot ang mga ito, tiyak na makatutulong ito sa pagdagdag ng suplay ng koryente sa bansa. Alam naman natin na kapag mataas ang suplay, bababa ang presyo ng isang bagay. Kung bababa ang presyo ng koryente sa bansa, ang buong Filipinas ay makikinabang. Matitiyak din ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng koryente sa bansa na siyang susuporta sa programang Build, Build, Build ng pamahalaan. Magpasahanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos maarok kung bakit ito hinaharang ng Bayan Muna.

Ang presyo ng koryente sa kasalukuyan ay ang pinakamababang presyo sa loob ng tatlong taon. Marami na ang gipit sa badyet at marami ang naapektuhan ng pandemya. Sa halip na tumulong ay tila ginagamit ng Bayan Muna ang pandemyang ito upang himukin ang mga mamamayan na magalit sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapalabas na masyadong mataas ang presyo ng mga produkto at serbisyo.

Ang mga ganitong uri ng akusasyon at pamamaraan ng Bayan Muna ay malinaw na pagharang sa pagkakaroon ng progresibong ekonomiya sa bansa. Tila kasama sa layunin ng Bayan Muna ang himukin ang mamamayang Filipino na magalit at mag-aklas laban sa pamahalaan. Kapag ito ay mangyari, maaaring bumagsak ang pamahalaan. Sa aking nakikita, ang tanging makikinabang kapag nangyari ito ay ang militantent grupong CPP-NPA. Kaninong interes ba talaga ang isinusulong ng Bayan Muna?

Comments are closed.