BAYAN NG DARAGA ILALAGAY SA COMELEC CONTROL

James Jimenez

POSIBLENG  isailalim ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang kontrol ang bayan ng Daraga sa Albay, kasunod na rin ng naganap na pagpatay kay Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe at kanyang police escort doon kamakailan.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, pinag-aaralan na nila ngayon kung kinakailangang ilagay sa Comelec control ang Daraga, batay na rin sa rekomendasyon mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga field officers ng poll body sa naturang lugar.

“Comelec is considering placing the municipality of Daraga, Albay under Comelec control owing to the killing of Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe,” ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, sa isang press briefing.

“The fact na mayroon pang perpetrators na hindi pa identified, hindi pa nahuhuli, that has contributed to the atmosphere of anxiety na ngayon ay nararanasan nila sa Daraga,” a­niya pa.

Matatandaang si Batocabe at kanyang security detail ay pinagbabaril at napatay nitong Sabado habang namimigay ng regalo sa mga senior citizen sa naturang lugar, ngunit hindi pa batid ng pulisya kung politika nga ang nasa likod ng krimen.

Sinabi ni Jimenez na ang pagsasailalim sa isang lugar sa Comelec control ay nangangahulugang ilalagay ito sa direktang superbisyon at kontrol ng poll body.

Layunin nito na maiwasan ang mainit na political rivalries sa lugar at matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng nalalapit na halalan.

Sakali namang magdesisyon ang Comelec na ilagay sa kanilang kontrol ang Daraga ay inaasahang ma-gi­ging epektibo ito sa Enero 13, na siyang simula ng election period para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE) sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.