BAYANI AGBAYANI INAASAHAN NA ANG PAGKALAS NI AI AI SA EX-BATTALION

Bayani

EXPECTED na ni Bayani Agbayani ang pagre-resign ni Ai Ai delas Alas bilang manager ng Ex-Battalionreflection bago pa man nag-announce sa media ang Comedy Queen. Naibuhos na sa kanya ni Ai Ai ang saloobin nito sa dating inaalagang grupo.

Napag-usapan na raw nila ni Ai Ai na iiwan na niya ang Ex-Battalion at sinabi rin sa kanya ng komedyana na magpapa-interbyu siya sa mga manunulat.

“E, si Ai Ai parang karugtong ng  bituka ko ‘yun, e. Hindi pa ako artista natutulog na ako sa bahay noon kasama ko pa si Len-Len (Bayani’s wife). Girlfriend ko pa lang si Lenlen, ‘Ai, patulog sa bahay mo, baha sa Malabon. Hindi kami makakauwi.’ Tapos magpapatuloy siya sa amin,” pagre-reminisce ni Ba­yani.

May bagong pelikula kasi si Bayani at kapartner niya sa movie si Ai Ai, ang “Fillennials” sa direks­yon ni Retchie del Carmen na ipalalabas sa June 17.

Nagsimula ang friendship nina Bayani at Ai Ai  nu’ng “Salu-Salo Together” days pa nila.

“Uh, writer kasi ako ng ‘Salu-Salo Together’ before. Tapos isa siya sa mga guest. Nagla-‘Lunch Date’ pa lang sila nagti-trainee na ako doon. Tapos naging kaibigan ko si Miguel Vera kasi mahilig sa basketball. Sila na noon ni Miguel. Tapos umuuwi-uwi na kami sa bahay ni Ai Ai.”

Thankful si Bayani dahil kahit nawala ang sitcom nila ni Karla Estrada sa Cinemo na “Funny ka Pare KO” ay napasama ulit siya sa comedy show ng ABS-CBN.

“Matagal na rin naman ‘yung Funny Ka, Pare Ko. Awa naman ng Diyos hindi ako nanganay. Siguro dahil du’n sa parang sitcom din na ‘I Can See Your Voice.’ Sa pagkakaalam ko kaya ako napasama sa ‘Home Sweetie Home,’ may nag-recommend sa akin.”

“Kaya tinext ko siya.  Sabi ko, Tita Cory, maraming, maraming salamat po sa trabaho. Sabi niya, ‘Oo, sige, sige. Para masaya kayo d’yan.”

Samantala, kabilang si Bayani sa mga artistang naimbitahan sa pa-dinner sa Malakanyang ni Presidente Rodrigo Duterte. Ang misis daw ni Pres. Duterte na si Honeylet ang nagpa-imbita ng mga artista through Bong Go.

Pasalamat daw ng administrasyon ‘yun ‘di lang sa mga artista kundi pati sa mga basketball player na tumulong sa nakaraang kampanya ng kanilang mga kandidato last election.

Gaya nina Philip Salvador, Cesar Montano at AiAi delas Alas, kabilang din si Bayani sa mga sumama at inendorso si Bong Go sa mga tao sa pagtakbo niya bilang Senador.