SISIMULAN nang ipamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa susunod na linggo ang cash assistance sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) kapwa sa local at overseas workers na naapektuhan ng COVID-19.
“We expect that the budget will be given or downloaded to the DOLE so that next week we are now poised to implement forms of assistance for our countrymen,” pahayag ni Undersec-retary Benjo Benavidez sa isang virtual forum.
Ayon kay Benavidez, ang cash aid ay ipagkakaloob sa pamamagitan ng mga programa tulad ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers), emergency employment, o one-time financial assistance sa pamamagitan ng CAMP (Covid-19 Adjustment Measures Program) at AKAP (Abot Kamay ang Pagtulong).
Sa ilalim ng Bayanihan 2, ang DOLE ay tatanggap ng P13 billion para pondohan ang mga programang ito upang tulungan ang formal at informal employees at overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Nauna rito ay sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na hiniling nila ang inisyal na pagpapalabas ng P8 billion para masimulan na ang pamamahagi ng tulong pinansiyal.
Ang halaga ay hahatiin sa tig-P3 billion para sa TUPAD at AKAP at P2 billion para sa CAMP.
Nasa dalawang milyong manggagawa ang inaasahang mabibiyayaan sa TUPAD at CAMP.
Para sa displaced OFWs, ang target beneficiaries para sa AKAP ay 250,000.
Ang CAMP ay magkakaloob ng one-time cash subsidy na P5,000 sa formal sector workers habang ang TUPAD beneficiaries ay bibigyan ng emergency employment at babayaran ng minimum wage na umiiral sa kani-kanilang lugar.
Ang ayuda sa OFWs sa ilallm ng AKAP ay one-time P10,000 (USD200) cash.
Comments are closed.