LUSOT na po sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Bayanihan 2 o ang Senate Bill 1564 (Bayanihan to Recover as One Act), kung saan tayo po ang awtor at sponsor.
Nilalayon po ng panukalang ito na maipagpatuloy ang mga napasimulan ng Bayanihan 1, partikular ang mga hakbang ng gobyerno na mapalawak ang laban nito sa COVID-19 at ang mga tulong sa mga sektor na labis na naapektuhan ng pandemya.
Sa ilalim po ng Bayanihan 2, sinisigurong may sapat na pondo ang gobyerno para sa pagpapaigting ng COVID-19 testing at contact tracing. Tinitiyak din po natin na patuloy na paglalaanan ng kaukulang benepisyo ang ating healthworkers na tatamaan ng karamdamang ito, at maging ang mga masasawi sa kanilang hanay.
Sakop din po ng panukalang ito ang mga suportang ipagkakaloob ng gobyerno sa returning OFWs na nawalan ng trabaho dahil pa rin sa pandemya.
Agad pong ipinasa ng Senado ang panukalang ito, dahil mismong si Pangulong Duterte po, sa kanyang ika-5 SONA nitong Lunes, hiniling niya sa Kongreso ang agarang pagpasa ng Bayanihan to Recover as One Act.
Kabuuang P140-B po ang nakalaang pondo para sa pagpapatupad ng Bayanihan 2, kung saan, P10-B ang gagamiting pondo sa pagbili ng mga karagdagang PCR testing and extraction kits at iba pang supplies. Ito ay para mabigyan ng sapat na kapasidad ang Department of Health sa pagsasakatuparan ng kanilang mga programa. At umaasa po tayo na sa pagkakataong ito, makita natin ang masigasig na paggalaw ng departamento. Kinakailangan ang mas pinaigting na pagkilos nila sa kasalukuyan dahil sa patuloy na pagdami ng positive cases natin sa ngayon.
Halagang P15-B naman ang ilalagak sa cash-for-work program at sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD sa ilalim naman ng Department of Labor.
Halagang P17-B naman ang inilaang unemployment or involuntary separation assistance para sa DOLE identified displaced workers, sa mga probationary, project, seasonal, contractual at casual employees sa mga pribadong health institutions. Sakop din ang mga sektor ng turismo, kultura at sining, creative industries, construction, transportasyon, trade industries at iba pang sektor na hinagupit nang todo ng COVID-19.
Kabilang din po sa benefit package ang mga freelancer, self-employed at repatriated OFWs o mga OFW na hindi nakalabas ng bansa dahil sa deployment ban na ipinatutupad ng gobyerno.
Kabuuang P50-B ang ilalagak sa iba’t ibang government financial institutions tulad ng LandBank of the Philippines (P30-B), Development Bank of the Philippines (P15-B) at ang Philippine Guarantee Corporation (P5-B). Ang mga institusyong ito ay maaaring lapitan ng ating mga MSME na nais mag-loan para sa kani-kanilang maliit na negosyo.
Halagang P17-B naman ang mapupunta sa Plant, Plant, Plant program bilang tulong sa sektor pang-agrikultura. Nakapaloob dito ang cash subsidies at interest-free loans sa ilalim ng Agricultural Credt Policy Council and GFIs.
Sa sektor ng transportasyon naman, P17-B din ang inilaan para sa Department of Transportation (DOTr) para maasistehan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho, at para mabigyan sila ng pansamantalang kabuhayan.
Para naman sa industriya ng turismo, naglaan tayo ng P10-B sa Department of Tourism na magagamit ng ahensiya para unti-unting maibangon ang mga sadsad na negosyong may kinalaman sa naturang industriya.
Para naman sa education sector, may laan ding sapat na tulong sa SUCs para naman sa pagsusulong nila ng smart campuses na gagalaw sa ilalim ng bagong normal.
Tatanggap din ng dagdag na pondo ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA para maipagpatuloy ang mga training at skills program nito, gayundin ang special training for employment program para sa displaced workers na kinabibilangan nag ating OFWs.
Comments are closed.