NILAGDAAN ng mga lider ng Kamara ang isang manifesto of support para sa agarang pag-apruba sa Bayanihan 2.
Inilabas ang manifesto matapos maipasa ng Mababang Kapulungan sa ikalawang pagbasa ang P162 Billion na Bayanihan To Recover as One Act.
Pinangunahan ni Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez ang pagpirma sa manifesto na sinundan ng ibang lider ng Kamara.
Sa viva voce voting ay pumasa ang House Bill 6953 na siyang supplement measure at ikalawang stimulus package para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Mas mataas ito kumpara sa P140 Billion standby fund ng Senado.
Ilalaan ang halagang ito para sa emergency subsidy sa mga displaced worker, cash-for-work programs, prevention and control para sa COVID-19, support programs para sa mga apektadong sektor at sa agricultural sector.
Bibigyang direktiba rin ang mga government financial institutions na magbigay ng pautang, subsidiya, diskwento at iba pang grants para sa pagbili ng electronic gadgets na kakailanganin ng mga guro at estudyante sa ilalim ng distance at blended learning.
Magkakaloob din ng tuition subsidy para sa mga estudyante na hindi nakakatanggap ng educational subsidy mula sa gobyerno at nahaharap sa financial crisis.
Inaasahang sa susunod na Linggo ay tuluyan na itong maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan. CONDE BATAC
Comments are closed.