BAYANIHAN ACT 2 IPAPASA NG KAMARA VS COVID IMPACT SA EKONOMIYA

Albay Rep Joey Sarte Salceda-2

NAKATALAGANG  ipasa ng Kamara ang tatlong mahalaga at magkakaugnay na panukalang batas sa ilalim ng Bayanihan Act 2 na naglalayong iba­ngon ang ekonomiya ng bansa mula sa pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, ang tatlong panukalang batas ay mga prayoridad na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ka­makailan.

Ang  mga ito ay  ang ‘Financial Institutions Strategy Transfer (FIST), Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE), at ang  MSME regularization program.’

Inaasahan ng Kamara na ipasa ang tatlo bilang bahagi ng mahalagang bulto ng mga hakbang na tutugon sa lubhang pangangaila­ngan ng bansa. Layunin ng FIST na tulungan ang mga institusyon sa pananalapi sa pagresolba sa kanilang mga hindi nababayarang pautang at inutil na mga ari-ariang kumpiskado bilang kabayaran.

Layunin naman ng GUIDE ang lalong patatagin ang kakayanan ng mga pananalaping institusyon ng gobyerno  gaya ng Philippine Guarantee Corp., Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines, na magbigay ng mga kaukulang pahiram na puhunan at ayuda sa mga ‘micro, small and medium enterprises’ at iba pang makabuluhang mga negosyo.

Sa kanyang SONA, binanggit ni Pangulong Duterte ang panukalang batas ni Salceda na pinangunahan ng paglikha ng Department of Disaster Resilience Act (DDRA) o HB 0030  na ayon sa kanya ay bunga ng mga natutunan bilang punong lalawigan ng Albay ng siyam na taon.

Ang isa pa niyang panukala na ginawang prayoridad ng Pangulo ay ang binago niyang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o CREATE (HB 4157) na inaasahang lilikha ng mahigit isang milyong trabaho sa loob ng limang taon at magbibigay ng hugis-V na pagbangon ng ekonomiya simula sa susunod na taon kahit magpatuloy pa ang pandemya.

Kasama rin sa mga prayoridad na ipinahayag ng Pangulo ang mga sumusunod: Internet Speed and Connectivity Emergency Act (HB0312); Department of Filipino Overseas and Foreign Employment (HB 2067); Fire Protection Modernization Act (HB 3404), Center for Disease Control and Prevention Act (HB 6096), National Land Use and Management Act (HB 3244), pending with Committee on Land Use; National Stimulus Strategy Act (HB 6619), Accelerated Recovery and Investment Stimulus for the Economy or ARISE (HB 1029); at Postponement of the Barangay and SK elections (RA 11462), at marami pang iba kasama ang 112-point Comprehensive Policy Papers on multi-modal means for learning.

Comments are closed.