SINUBOK ng pagsabog ng Bulkang Taal ang tibay ng mga Filipino sa panahon ng kagipitan. Naipakita rin sa pamamagitan ng pangyayaring ito kung gaano kabilis magkaisa ang mga Filipino upang tulungan ang mga kapwa nila na nangangailangan sa panahon ng kalamidad. Ilang oras lamang matapos magsimulang magbuga ng abo ang pinakamaliit na bulkan ng Filipinas, ipinag-utos agad ang paglikas ng mga taong naninirahan sa mga barangay at bayan na nasa 14km radius mula sa nasabing bulkan. Karamihan sa kanila ay hindi na nagkaroon ng sapat na panahon upang makapagdala ng mga importanteng gamit na kakailanganin nila habang wala sa kanilang mga tirahan.
Kamangha-mangha at sobrang nakatataba ng puso na makita kung paano ipinamalas nating mga Pinoy ang ating kinalakhang kultura ng malasakit at bayanihan. Sa kabila ng modernong panahon, lubha akong natutuwang malamang buhay pa rin ang kultura at kaugaliang ito. Nagbukas ng pinto ang maraming pampublikong paaralan at iba’t ibang gusali ng pamahalaan para sa mga evacuee. Maging ang mga ordinaryong mamamayan sa mga kalapit na bayan ay nagbukas din ng kanilang mga tirahan upang mabigyan ng pansamantalang matutuluyan ang mga hindi na nakakuha ng espasyo sa mga evacuation center.
Karaniwan na inaabot ng ilang araw o minsan ay ilang linggo bago makabalik sa kanilang mga tirahan ang mga residenteng apektado ng kalamidad gaya ng pagputok ng bulkan. Walang makapagsasabi kung hanggang gaano katagal kakailanganin manirahan sa mga evacuation center ang mga apektadong pamilya. Importante kasing masiguro ng mga eksperto at ng lokal na pamahalaan na talagang ligtas nang bumalik sa kanilang mga tirahan. Habang nananatili sa evacuation center ang mga pamilyang naapektuhan ng pagputok ng bulkan, importanteng masiguro na mayroon silang sapat na pagkain, damit, at iba pang mga bagay na importante sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Nakagagalak ng kaloobang malaman at makita kung paanong ang mga organisasyong nakatuon ang layunin sa pagtulong sa mga taong naaapektuhan ng mga kalamidad, mga maliliit at malalaking korporasyon, at maraming mga normal na mamamayan, ay nagkakaisa dahil sa iisang layunin – ang mabigyan ng karampatang tulong ang mga evacuee hanggang sa maging ligtas na para sa kanila ang bumalik sa kani-kanilang tahanan.
Ang mga bayan ng Cavite, Laguna, at Batangas ang pinakanaapektuhan ng pagbuga ng abo ng Bulkang Taal. Literal na natakpan at tila binalot ng abo ang mga lugar na malapit sa Taal. Maging ang mga poste ng koryente ay hindi nakaligtas sa mga abo kaya nawalan ng koryente ang malaking bahagi ng nasabing mga lugar. Ngunit upang agarang maibalik ang serbisyo ng koryente sa mga apektadong lugar na ito, ang mga magigiting na lineman ng Meralco ay masigasig na inisa-isang akyatin ang nasa 14 libong poste na nabalot ng abong ibinuga ng Bulkang Taal. Araw-gabi ay walang humpay sa paglilinis ng mga poste, insulator, at wiring ang mga Meralco linemen.
Naibalik ng Meralco ang serbisyo ng koryente pitong araw matapos magbuga ng abo ang Bulkang Taal. Ito ay patunay na ang mga pribadong sektor, kasama ang Meralco, ay handang magbigay ng serbisyo sa mga Filipino sa panahon ng mga kalamidad.
Sa mga panahon ng kalamidad gaya ng kasalukuyan ay makikita ang kahalagahan ng mga nasa pribadong sektor sa pagtulong sa mga komunidad na naapektuhan. Isang magandang halibawa nito ay ang tulong at suportang ibinigay ng MVP Group of Companies. Mabilis na naipadala at naihatid ang iba’t ibang mga grupong eksperto sa pagresponde sa mga ganitong kalamidad kasabay ng mga tulong para sa mga apektadong komunidad.
Ilang mga grupong ipinadala sa mga apektadong lugar ay ang Tulong Kapatid. Ang Tulong Kapatid ay binubuo ng iba’t ibang kompanya ng prominenteng negosyanteng si Manny V. Pangilinan na ang layunin ay magbigay ng karampatang tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng anumang uri ng kalamidad sa pamamaitan ng pamimigay ng mga tubig, pagkain, at ilang serbisyong mahalaga para sa araw-araw na pamumuhay gaya ng koryente at komunikasyon.
Upang masiguro na may komunikasyon ang mga apektadong pamilya sa kanilang mga kaibigan at kaanak, nagtayo ng mga solar mobile charging station ang One Meralco Foundation (OMF), isang sangay ng Meralco para sa mga programang pangkawanggawa. Ang opisina ng PLDT sa Gen. Aguinaldo Hi-way sa Tagaytay ay mayroon ding Libreng Charging na serbisyo.
Importante rin na mabigyan ng mga generator set ang mga lugar na walang koryente at ito ang ginawa ng Meralco sa pakikipagtulungan nito sa Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF).
Nang magkaroon ng kakulangan sa supply ng tubig na maiinom sa mga komunidad na apektado ng pagputok ng Bulkang Taal, nakipagtulungan ang Maynilad sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang makapamahagi ng water tanker sa mga apektadong komunidad. Nakipag-tulungan din ang Maynilad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng 2,000 piraso na tig-anim na litrong bote ng maiinom na tubig. Ang Makati Medical Center Foundation naman ay namigay rin ng 2,400 na bote ng tubig na maiinom.
Ang mga daan papunta sa mga lugar na apektado nang pagbuga ng abo ng Bulkang Taal ay isang matinding hamon para sa mga pumupunta rito para maghatid ng tulong. Bunsod nito, isang clearing operation ang isinagawa ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC). Sila ay nagbigay ng tubig na maaaring gamitin sa paglinis ng mga salamin ng mga sasakyang bumabaybay sa Cavite-Laguna Expressway (CALAX).
Upang tulungan ang mga volunteer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pangangasiwa sa paglikas, pagsagip, at pagresponde sa mga residente ng Batangas, ang PLDT kasama ang sangay nito na Smart Communications ay namigay ng suportang pang-komunikasyon at mga cellphone load.
Isang food truck na namahagi ng mga mainit na pagkain at ulam ay ipinadala rin ng Alagang Kapatid Foundation, PLDT-Smart Foundation, at ng mga empleyado ng Cignal TV. Bukod pa sa pagkain ay may alay ring serbisyo ng nebulization ang nasabing food truck na pinangasiwaan ng mga doctor at nurse mula sa Makati Medical Center Foundation na boluntaryong sumama sa nasabing operasyon. Namigay rin sila ng 8,000 pirasong face mask at 1,500 na psycho-social first aid kits sa mga apektadong pamilya sa Batangas. Nagpadala rin ang Metro Pacific Investments Foundation ng 1,000 kumot, 1,000 na banig, 1,500 na damit para sa mga bata at matatanda.
Inaasahang magpapatuloy ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng pribadong sektor sa paghahatid ng tulong at mga supply sa mga apektadong komunidad hanggang hindi nasisigurong ligtas na para sa mga ito ang umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Comments are closed.