BAYANIHAN AT PANANAMPALATAYA PINASALAMATAN NI CARDINAL TAGLE

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle-5

LABIS na nagpapasalamat at kinikilala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang bayanihan at pagtutulungan ng mga mananampalataya ng Arkidiyosesis ng Maynila sa pagtugon sa pangangaila­ngan ng mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal.

“Thank you for your manifestation of Christian compassion and solidarity towards our sisters and brothers affected by the eruption of Taal Volcano. Your contribution to the relief efforts is commendable,” ayon kay Tagle na siya ring incoming Prefect for the Congregation of Evangelizations for People, sa kanyang liham para sa mga kapwa Pari, religious communities at mga layko.

Kasabay nito, nanawagan si Tagle sa mga mamamayan at mga parokya na makipag-ugnayan sa Diocesan Caritas o mga Social Action Centers sa mga diyosesis ng Batangas, Cavite at Laguna na nangu­nguna sa misyon ng simbahang maghatid ng tulong sa mahigit 100,000 lumikas na indibiduwal.

“We [RCAM] suggest that you contact their respective SAC directors to determine their needs and the manner of helping,” bahagi ng liham ng Cardinal.

Hinimok rin ng Cardinal ang mga nais magpaabot ng tulong na maari ring makipag-ugnayan sa Caritas Manila na nakikipag-ugnayan sa DSAC ng mga nabanggit na lugar.

“You may also contact Caritas Manila to send your assistance since our Damayan people are in close coordination with the said SAC directors,” aniya.

Binigyang-diin ni Tagle na sa pagkakawanggawa higit na naabot ng mamamayan ang mga mahihinang sektor ng lipunan lalo na ang mga maralita.

Nagsagawa naman ng Damay Kapanalig Taal Telethon ang Caritas Manila at Radio Veritas upang makalikom ng pondo para matulungan ang mga apektadong diyosesis sa relief operations at rehabilitasyon sa kanilang mga lugar. ANA ROSARIO HERNANDEZ