“BAYANIHAN BAKUNAHAN” GENERALLY PEACEFUL- PNP

WALANG naitalang untorward incident ang Philippine National Police sa unang araw ng National Vaccination Drive “Bayanihan, Bakunahan.”

Sa ulat ng PNP Monitoring Center kamakalawa ng gabi, halos 1.2 milyon ang nabakunahan sa 4540 vaccination sites sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pinakamarami ang nabakunahan sa Area of Responsibility ng PRO 5 na umabot sa mahigit 86,000 batay sa mga ulat na nanggaling sa 435 vaccination sites; habang sa sakop ng NCRPO ay mahigit 62,000 ang nabakunahan sa 233 vaccination sites.

Naka-deploy naman sa mga vaccination sites sa iba’t ibang panig ng bansa ang kabuuang 15,420 pulis para magbigay ng seguridad at masiguro na nasusunod ang mga health protocols.

Maliban sa security personnel, nagdeploy din ang PNP ng 2,365 nilang tauhan para magsilbi bilang data encoders at technical support; habang 3,640 tauhan ng kanilang Medical Reserve Force ang idedeploy ng mga PRO para tumulong sa vaccination drive sa kani-kanilang nasasakupan.

Siyam na kampo naman ng PNP ang pinagamit bilang vaccination site kung saan dalawa ay sa PRO 3; at tig isa sa NCRPO, PRO4A, PRO4B, PRO5, PRO10,PROBAR, at PROCOR. REA SARMIENTO