BAYANIHAN FARE IGINIIT SA HIRIT NA DAGDAG PASAHE NG PUBLIC TRANSPORT

pasahe

MULING iginiit ng commuter advocate group na Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na dapat sana’y isinama na noon pa sa Bayanihan Act ang usapin ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Ito ay sa gitna ng mga hirit ng provincial buses ng dagdag- pasahe ngayong nakabalik na sila sa operasyon.

Sa isang phone interview ng Pilipino MIRROR kay LCSP Founder Atty. Ariel Inton, iginiit nitong dapat sana’y noon pa isinama ng mga mambabatas ang Bayanihan fare upang hindi na nagkakaroon ng panibagong hirit na dagdag pasahe ang ilang operators ng mga pampublikong sasakyan.

Nauna rito, humirit na ng dagdag singil sa pasahe ang mga operator ng tricycle na kinatigan naman local goverrnment units (LGUs).

“Matagal na naming ipinanawagan ‘yan sa gobyerno na isama noon sa Bayanihan Act ‘yang usapin ng pasahe pero hindi nila sinama kaya isa-isang humihirit ng dagdag singil sa pasahe ngayon ang mga operator,” pahayag  ni Inton.

Aniya, kung isinabatas agad ang panukalang Bayanihan fare, walang mangyayaring galawan dahil sa umiiral na Bayanihan fare.

“Buti kamo kung kayang i-subsidize yan ng LTFRB para walang ganyang taas pasahe gaya ng ginawa ng MRT, sinubsidize nila ‘yung sa Edsa carousel, kahit konti ang pasahero bayad pa rin ang carousel kaya wala silang hirit,” dagdag pa ni Inton. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.