BAYANIHAN LABAN SA PANDEMYA

Joes_take

KAMAKAILAN lang ay nag-umpisa nang bumalik paunti-unti ang kabuhayan ng mga Filipinong  naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatupad upang labanan ang pandemyang COVID-19. Balik-operasyon na ang karamihan sa mga industriya at ibang mga opisina, subalit may limitasyon pa rin sa mga uri ng transportasyon at mahigpit pa ring ipinatutupad ang social distancing.

Kasabay nito ay isa-isa na ring nag-uumpisa ang pagbibigay abiso ng mga utilities at mga bangko tungkol sa mga nakabimbing bayarin na hindi nasingil noong quarantine upang makabawas naman sa mga alalalahanin ng mga mamamayan. Hindi naman maiwasan mula sa iba ang kwestiyunin ang sitwasyon, at umapela pa na kung maaari ay bigyang muli ng karagdagang konsiderasyon at mas mahaba pang panahon upang makapag-adjust muna bago bayaran ang mga ito.

Laking ginhawa naman ang naging anunsiyo ng Meralco na maaari nang hulug-hulugan sa loob ng apat hanggang anim na buwan ang lahat ng naipong electric bills nitong panahon ng ECQ (simula noong March 1 hanggang May 31, 2020). Ang magiging batayan ngayon ng installment program na ito ay ang naging electric bill ng mga customer noong  February 2020. Ang mga customer na nagtala ng konsumong 200kWh pababa ay bibigyan ng anim na buwan upang bayaran ang kanilang electric bills ng buwan ng Marso, Abril at Mayo. Para naman sa mga customer na kumonsumo ng humigit sa 200kHh noong February 2020, bibigyan naman ng apat na buwan upang bayaran ang nasabing  ECQ bills. Ito ay alinsunod sa pinakabagong direktibang ibinigay ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Bukod dito, ipinaalam din kamakailan ng Meralco na kanilang ibabalik ang siningil na Php 47 na convenience fee sa mga customer na nagbayad ng kanilang  bills sa pamamagitan ng Meralco Online app simula noong March 16 hanggang May 15, 2020. Naunang ipinahayag  ng kalihim ng Department of Energy na si Secretary Al Cusi, na kanyang kakausapin ang Meralco tungkol sa nasabing convenience fee. Agad namang tumugon ang Meralco dito at sinabing uumpisahan na nila ang pag-refund ng nasingil na convenience fee sa lalong madaling panahon.

Nitong nagdaang Biyernes din ay naganap ang isang hearing ng Joint Congressional Energy Commission (JCEC) kung saan nagkaroon ng pagkakataong magpaliwanag at liwanagin ng Meralco sa lahat ang kanilang naging proseso sa paniningil nitong nakaraang tatlong buwan. Nang ang buong Luzon ay sumailalim sa lockdown nitong Marso ay hindi na nakapag-reading ang mga meter reader sa mga bahay ng mga customer, kaya naman ang ginamit na basehan para sa March at April na electric bills ay “estimation”. Ang prosesong ito ay alinsunod sa provision ng ERC para sa mga pagkakataong hindi maaaring makapagbasa ng metro ang mga utilities dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari.

Ngayong buwan ng Mayo, kung kalian nag-umpisa nang bahagyang lumuwag ang mga panuntunan ng lockdown o ECQ sa ibang lugar, ay muli na ring pinayagang umikot at magbasa ng metro ang mga meter reader ng Meralco. Ang sumunod na natanggap na bill para sa buwan ng Mayo ay naglalaman na ng aktwal na nakonsumo ng customer, pati na rin ang mga adjustment na hindi naisama sa estimated bills noong buwan ng Marso at Abril.

Hindi na dapat ipagtaka ng lahat ang pagtaas ng kanilang mga electric bill nitong nakaraang tatlong buwan dahil una sa lahat, tayo ay hindi nakalabas ng kanya-kanyang mga bahay 24/7 dahil sa ipinatutupad na lockdown. Sa panahong ito rin ay tuloy-tuloy at mas humaba pa ang ating paggamit ng mga appliances natin. Kahit na walang dumagdag na gamit sa bahay, ang nadagdagan naman ay ang oras ng paggamit ng mga appliances. Alalahanin din natin na naging record-high ang taas ng temperatura sa Metro Manila, at dahil dito, doble-kayod ang motor ng ating mga cooling appliances kagaya ng refrigerator, air conditioner, at electric fan sa pagpapalamig.

Ipinaliwanag ito ng Meralco at nangako na kung ano lamang ang kinonsumo ng kanilang mga customer ay iyon ang sisingilin sa kanila, at ito ay base sa aktwal na nairehistro sa kani-kanilang mga metro, at nakuha base sa pamamagitan ng meter reading.

Sa mga susunod na araw ay ipatutupad ng Meralco ang mga sumusunod na hakbang upang magbigay ng karagdagang kaalaman sa mga customer at maiwasan ang pagkalito. Isa sa mga hakbang na ito ay ang pagbibigay ng hiwalay at detalyadong bill para sa mga buwan na kasama sa apat hanggang anim na buwan na installment. Sila rin ay magpapadala ng mga sulat sa kanilang mga customer na naglalayong magpaliwanag ng kanilang billing, at magkakaroon din ang Meralco ng tuloy-tuloy na information campaign.

Dahil sa mga nangyari nitong nakalipas na ilang buwan, tinanong ang Meralco  kung ano ang makatutulong para kahit may emergency ay mabasa pa rin  ang metro. Dito na napag-usapan ang  paggamit ng smart meter technology na mayroong kakayahan na mabasa ang metro ng mga customer kahit hindi ito mapupuntahan ng meter readers. Makakaya nang makuha ng Meralco ang reading ng metro off-site or remotely. Isa ito sa mga pangmatagalang solusyon na makatutulong sa kanilang mga customer. Ayon naman sa DOE, isa ang programang ito sa kanilang susunod na pagtutuunang pansin.

Malaking ginhawa nga naman ang mga nabanggit na tulong. Sa gitna ng ating nararanasang pandemya ay nabigyan ng mas mahabang panahon ang mga customer upang matugunan ang kanilang mga bayarin, maibabalik ang nasingil na convenience fee sa mga customer na nagbayad online, ang pagsasagawa ng bago at mas detalyadong ECQ bills, at ang pagsusulong ng smart meter technology.

Importante talaga ang tuloy-tuloy na pagkakaisa ng gobyerno at ng private sector. Magtuloy-tuloy sana ito upang masiguro na maiangat at mapaunlad pa lalo ang ating bansa, at sama-samang harapin ang “new normal” na idinulot nitong pandemya sa buong bansa. Magkapit-bisig tayong lahat, at siguradong kaya nating lampasan ang mga pagsubok na dala nitong COVID-19.

Comments are closed.