BAYANIHAN, NAGPAPATULOY SA PAMAMAHAGI NI BONG GO NG SUPORTA SA PANDEMIC-HIT SECTORS SA PAGSANJAN, LAGUNA

BUNSOD ng kanyang commitment na matulungan ang mas ma­rami pang komunidad na matinding naapektuhan ng pandemya, nagpadala si Senator Christopher “Bong” Go ng tulong sa iba’t ibang sectoral groups sa Pagsanjan, Laguna kama­kailan.

Ang mga staff ng senador ang nag-organisa ng relief activity sa Laguna Sports Complex Gymnasium sa kalapit na bayan ng Sta. Cruz, kung saan nila tinipon sa maliliit na grupo ang may 947 benepisyaryo na kinabibilangan ng mga bangkero, magsasaka at mga miyembro ng Tricycle Operators and Dri­vers Association (TODA) at Jeepney Operators and Drivers Association (JODA), upang matiyak na nasusunod ang safety and health protocols laban sa COVID-19.

Namahagi ang grupo ng  masks at mga pagkain at nagbigay rin sa mga piling indibidwal ng mga bagong pares ng sapatos, bisikleta at computer tablets.

Samantala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nagkaloob ng cash assistance sa mga ito, sa ilalim ng kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situation prog­ram.

Sa kanyang video message, pinaalalahanan naman ni Go ang mga benepisyaryo na ipagpatuloy ang istriktong pag-obserba sa kinakailangang health measures laban sa COVID-19 at hinikayat ang mga taong eligible na magpabakuna na upang mas maprotektahan ang kanilang sarili mula sa virus.

“Hinihikayat ko po ang lahat na magpabakuna… Pwede na rin magpa-booster ang mga qualified. Nasa datos naman na kung sino ang positibo at grabe ‘yung sintomas ay kadalasan sila ‘yung mga hindi pa bakunado,” apela pa niya.

“Mag-ingat din po kayo palagi dahil hindi na natin kakayanin na magsasara na naman ang mga negosyo at tumaas ang bilang ng mga kaso. Mapupuno na naman ang mga ospital at baka bumagsak ang ating healthcare system. Iyan ang iniiwasan natin kaya pakiusap, ‘wag kayong makumpiyansa habang nagpapabakuna pa tayo,” dagdag pa niya.

Hinikayat din ng senador ang mga benepisyaryo na may problemang pangkalusugan na bumisita sa Malasakit Centers sa kanilang lalawigan na matatag­puan sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz at San Pablo City General Hospital upang makahingi ng tulong pinansiyal.

Ang Malasakit Cen­ter ay isang one-stop shop kung saan pinagsama-sama ang mga ahensiya ng pamahalaan na may me­dical assistance programs para sa mga mahihirap at indigent na pasyente, gaya ng DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Pinasalamatan din ni Go, na adopted son rin ng CALABARZON, ang mga lokal na opisyal ng Pagsanjan dahil sa kanilang patuloy na suporta at serbisyo sa kanilang mga constituents.

“Mga kababayan ko, ako po ang inyong Kuya Bong Go. Kasama si Pa­ngulong (Rodrigo) Duterte ay handang magserbisyo po sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya. Nandirito lang po kami na magseserbisyo po sa inyo at handang-handang magserbisyo po sa inyo sa anumang oras,” aniya pa.