BAYANIHAN PARA SA TAAL VOLCANO VICTIMS UMIIRAL

Taal Victims

LAGUNA – NAGPAPATULOY ang kinaugalian ng mga Filipino na “Bayanihan” matapos ang pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 12.

Libo-libong mga residente mula sa paligid ng bulkan ang magkakahiwalay na lumikas bunsod na rin ng panibago umanong banta ng mu­ling pag-sabog nito ayon na rin sa advisory ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Dahil dito, hindi lamang sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Batangas nagsilikas ang maraming evacuees sa itinalagang pansamantalang mga evacuation centers kundi sa karatig pang mga lalawigan sa Laguna, Quezon at Ca­vite.

Sa lungsod ng San Pablo, naitala ang nasa mahigit 500 bilang ng mga evacuee sa Central Gymnasium kung saan suportado ito ng Lokal na Pamahalaan sa pamumuno ni City Mayor Loreto Amben Amante at Sangguniang Panglungsod kabilang si Laguna 3rd District Congresswoman Sol Aragones.

Nagkaloob ang mga ito ng libreng pagkain, gamot, at lahat ng mga personal nilang mga kagamitan bilang bahagi ng kanilang pagtulong sa mga ito.

Bukod aniya dito, marami rin aniyang naitalang bilang ng mga evacuee sa lahat ng distrito ng lalawigan kung saan nakatuon dito ang iba’t ibang sektor ng lipunan na kinabibilangan ng pulisya, mga guro at iba pa para mamahagi ng kanilang mga panganga­ilangan partikular ang pagkain, tubig, gamot at mga damit.

Kaugnay nito, namahagi rin ng tulong sa lalawigan ng Cavite ang grupo ng Laguna Thursday Civic Club (LTCC) kamakalawa sa pamumuno ni LTCC President Cezar Areza bitbit ang maraming damit, pagkain, tubig, personal na kagamitan at iba pa.

Samantala, noong Sabado, Enero 18 at kahapon, Enero 19, sunod na nagsagawa ng feeding program at relief goods distribution ang grupo ni Lt. Gen. Camilo Pancratius P. Cascolan, PNP Deputy Chief for Operations sa ilang residente sa Brgy. Dapdap West, Tagaytay City sa Cavite.

Ayon kay Cascolan, ang nasabing lugar ay hindi pa naabot ng relief operations kaya sinimulan na nilang tumulong noon

Bukod sa feeding program at pamamahagi ng relief goods, nilinis din ng mga tauhan ni Cascolan ang chapel ng Our Lady of Fatima roon na binalot ng abo dahil sa pag-alboroto ng Taal Volcano. DICK GARAY

Comments are closed.