“BAYANIHAN SA BARANGAY” NG MMDA UMARANGKADA NA

DINALA ng Metropolitan Manila Development Authority ( MMDA) ang programa nitong Bayanihan sa Barangay sa Brgy. Tañong sa lungsod ng Malabon na may layon ilapit sa mga barangay ang serbisyong pangkomunidad.

Personal na tinutukan ni MMDA Acting Chair Atty. Romando Artes at pamahalaang lungsod ng Malabon ang pag-arangkada ng proyekto sa Tañong Integrated School.

Nakatuon ito sa serye ng mga aktibidad kabilang ang linis palengke sa Malabon Central Market, misting sa eskwelahan; declogging at paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pagtatabas ng mga puno, clearing operations sa mga bangketa, paglalagay ng traffic signages, road clearing, at mayroon ding pagbabakuna ng anti-rabies.

Ayon kay Artes, paraan ito ng MMDA para maramdaman ng publiko ang marami nilang programa na hindi lang nakatuon sa trapiko.

Dagdag pa nito, may ilulunsad din bagong programa ang MMDA na Kalinisan at Kaayusan na magbibigay ng mga trak sa bawat siyudad para tumulong sa paglilinis ng komunidad. P ANTOLIN