BAYANIHAN SA BRGY INILUNSAD NG MMDA

INILUNSAD ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang proyektong “Bayanihan sa Barangay” sa anim na lugar sa Pasay nitong Miyekules.

Sa paglulunsad ng proyekto ay pinasalamatan naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang MMDA sa pagtataguyod ng nabanggit na proyekto sa lungsod na isang clean-up drive na ang layunin ay makatulong na malinis ang matataong lugar at mailapit na rin ang pagbibigay serbisyo ng ahensiya sa publiko.

Naging benepisyaryo ng proyektong “Bayanihan sa Barangay” ng MMDA ang anim na barangay sa lungsod na kinabibilangan ng mga barangay na 127, 128, 129, 130, 131, at 132.

Nagkaloob ng kanilang pagseserbisyo ang mga tauhan ng MMDA sa pamamagitan ng pagsasagawa ng paglilinis ng drainage, cleanup ng waterways, trimming at pruning ng mga puno, sidewalk clearing operations, pagpipinta ng pedestrian lane, misting, one-stop-shop para sa magtatanong ng pagbabayad ng paglabag at ang pagsasaayos ng mga bakod sa kahabaan ng Estero de Tripa de Gallina.

Lumahok din sa paglulunsad ng nabanggit na proyekto ang grupo ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office, Health, Public Safety and Environmental Protection Office, Sidewalk Clearing Operations Group, at ang Traffic Engineering Center.

Ang pakikipag-ugnayan ng bawat barangay sa lungsod sa MMDA ay makasisigurong magiging isang magandang daan patungo sa pag-unlad ng isang siyudad.

Sinabi naman ni MMDA acting chairman Atty. Don Artes na ang “Bayanihan sa Barangay” ay ang pagbibigay muli ng buhay ng dati nang proyekto ng ahensya na nakatutok sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig (waterways) at ng mga kanal (drainage systems).

“This project is a form of participatory governance where we pool our resources to address problems in a specific area with a goal to bring forth cleaner and orderly communities and healthier Metro Manila residents,” ani pa Artes.

Dagdag pa ni Artes na kasalukuyang nakikipagkoordinasyon ang MMDA sa World Bank para sa pagsasaayos ng integrated drainage master plan para sa buong Metro Manila.

“We will draft a plan for an integrated drainage system which is essential in keeping continuous water flow and avoiding clogging and eventual flooding in the entire Metropolis,” ani Artes. MARIVIC
FERNANDEZ