MAYNILA – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Jordanian National na dating tauhan at bayaw umano ng terrorist leader na si Osama Bin Laden at ipapatapon pabalik sa kanilang bansa matapos na ilegal na makapasok ng bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, si Mahmoud Afif Abdeljalil, 51, ay nasa kustodiya na ng gobyerno matapos itong maaresto noong Hulyo 4 ng pinagsamang puwersa ng BI at Zamboanga City police.
Ayon pa kay Morente, si Abedeljalil ay gumamit ng pekeng pangalan at nameke ng kanyang mga dokumento upang makapasok ng bansa.
Nagsimulang i-monitor ang mga aktibidades ng Jordanian national sa bansa nang siya at ang kasamang Algerian ay nasabat sa isang military checkpoint sa Zamboanga noong Agosto ng nakaraang taon.
At matapos ang ilang buwan na surveillance at case build up, nakumpirma na ilegal nang naninirahan sa bansa dahilan upang mag-isyu si Morente ng mission order na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Sinabi nito na bumalik siya ng bansa noong 2007 at inamin na naaresto at ipina-deport noong 2003 dahil sa pasong bisa at pagkakasangkot sa terrorist activities bilang Palestinian sa ilalim ng pangalan na Mahmood Afif. PAUL ROLDAN