BBM 55%, NO.1 PA RIN SA OCTA RESEARCH SURVEY; ROBREDO 15%, ISKO 11%, PACQUIAO 10%, PING 3%

PATULOY ang pangunguna at nananatiling si presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang nais ng mga Pilipinong ihalal bilang susunod na pangulo sa darating na eleksiyon sa Mayo 9, base na rin sa mga lumalabas na resulta ng ibat-ibang mga nationwide survey.

Ayon sa pinakabagong OCTA Research Tugon ng Masa survey na inilabas nitong Linggo, nakakuha si Marcos ng 55% preference votes mula sa 1,200 respondents na sumali sa survey.

Sa datos ng OCTA, sa kabuuang respondents ng kanilang survey, 97.5% ay registered voters na maaring bumoto sa darating na eleksiyon.

Samantala, nananatiling nasa malayong pangalawa si Leni Robredo na may 15%, si Isko Moreno ay may 11%, Manny Pacquiao na may 10%, at Ping Lacson na nakakuha lamang ng 3%.

Ang bilang ng undecided ay tumaas ng 6% kumpara sa 5% sa nauna nilang survey.

Napanatili ni Marcos ang pangunguna sa National Capital Region (NCR) kung saan nakakuha siya ng 46%, 56% naman sa Balance Luzon, at 47% sa Visayas.

Sa Mindanao, nakakuha naman ng high ratings ang standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na 65% kumpara sa apat na porsiyento ni Robredo.

Ang naturang survey na may 1,200 respondents ay isinagawa nitong February 12 hanggang 17, ilang araw matapos lumabas ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa mga isinampang disqualification cases laban kay Marcos.

Sa parehong panahon din naganap ang ‘Bakit Ikaw? the DZRH Presidential Job Interview’ at ‘The 2022 Presidential One-on-One Interviews with Boy Abunda’ kung saan mas lalong humanga ang kanyang mga taga-suporta dahil sa ipinakita niyang galing.

Kamakailan ay naglabas din ng resulta ang Pulso ng Pilipino survey na isinagawa ng Issues and Advocacy Center (The Center) kung saan ipinapakita na patuloy pa rin sa pagtaas ang survey trajectory ni Marcos matapos siyang makakuha ng 53% preference vote.

Ang pinakabagong Kalye Survey din na nilabas ilang linggo bago ang sa The Center at OCTA ay ipinapakitang si Marcos ang “unanimous choice” kahit ng mga Pilipino na nasa ibang panig ng mundo dahil sa preference rate na 84.77 percent na nakuha niya.