BBM, INDAY SARA NAIPROKLAMA NA

BBM - SARA - 16

NAGTAPOS sa botong 31,629,783 ang paghihintay ni dating Senator Ferdinand Marcos Jr. at siya ay maluwalhating iprinoklama bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.

Alas-3:30 ng hapon nang tapusin ng Joint Congress Committee  ang  pagbibilang ng boto kung saan 171 Certificate of Canvass lamang  dahil ang boto mula sa overseas absentee vo­ting mula sa Syria at Buenos Aires, Argentina ay hindi na nabilang.

Ipinagpalagay na landslide ang pagka­panalo ni BBM na kumakatawan sa 58.77% at pinakamataas na boto mula nang maganap ang Edsa revolution.

Nakamit naman ni Vice President-elect Sara Duterte ang 32, 206,417 o 61.53%.

Sa katatapos na halalan, kabuuang 55.1 milyon ang bumoto na katumbas ng 98.35% ng 67.4 million registered voters.

Mag-aalas-4 ng hapon ay dumating sa Batasang Pambansa si BBM kasama ang incoming First Lady Atty.  Lisa Araneta Marcos.

Habang una nang dumating si Duterte na naka-jeans at kulay pulang blouse sakay ng helicopter.

Exciting part naman ang pagdating ni dating First Lady Imelda Marcos at suot ang signature gown na terno na kulay rosas.

Dumating din si da­ting Pangulo at muling nanalong kinatawan ng Pampanga na si dating House Speaker Gloria Arroyo.

Naroon din sina Senator Imee Marcos, kapatid na si Irene, anak na si Simon at ang mag-asawang sina Toni Gonzaga at Paul Soriano.

Alas-5:31 ng hapon nang i-adjourn muna ang Joint Public Session ng Kongreso at alas-5:42 ng hapon nang buksan muli ito nina House Speaker Lord Alan Velasco at Senate President Vicente Tito Sotto III para sa committee report ng joint canvass.

Alas-6:30 ng gabi nang iproklama sina Marcos at Duterte bilang ika-17 Presidente at ika-15 Bise Presidente ng Pilipinas.

Alas – 6:35 ng gabi nang isara ang Joint Public Session ng 18th Congress.

Agad namang nagpadala ng pagbati ang Malacanang kay BBM at Inday Sara habang nanawagan ang Palasyo ng pagkakaisa at suportahan ang Marcos administration upang makamit ang pagbangon ng bansa. E.CELARIO