BBM INILATAG ANG PLANO PARA MAPABABA ANG SINGIL SA KURYENTE

BBM 2

INILATAG ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang plano ng kanilang UniTeam para sa mas malaliman at konkretong solusyon at pag-aaral upang mapababa ang singil sa kuryente sa bansa.

Sa kanyang regular na Vlog na inilabas nitong Sabado, iginiit ni Marcos na bukod sa mapagkaisang pamumuno ay ang kanilang adhikain na mapababa ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng mga konkretong plano at solusyon.

“Malaking bahagi ng sahod ng bawat Pilipino ay pumupunta sa singil ng kuryente. Ano ba ang mga kinakailangang gawin para maibaba ang presyo ng kuryente natin?” ani Marcos.

“Ang misyon natin para sa ating bansa ay magkaroon ng sapat, maasahan at abot kaya na kuryente para sa lahat,” paniniguro niya.

Sinabi ni Marcos na tututukan ng kanyang pamumuno sakaling palarin sa darating na halalan ang produksyon, transmisyon at distribusyon ng kuryente sa bansa.

Plano ng kanilang UniTeam na paramihin ang mga energy resources sa bansa para masigurong hindi na tayo kakapusin ng supply tulad nang pagpaparami ng mga geothermal at hydroelectric power plant.

Gayundin ang pagpapalakas ng mga solar at wind power  sources na malaking tulong sa pagpaparami ng supply at pagbaba ng presyo ng kuryente.

“Renewable gaya ng solar at wind power gaya ng ginawa namin sa Ilocos. Maraming lugar sa bansa ang pwedeng gawan ng wind power. Kailangan lang aralin at magkaroon ng kaunting imahinasyon para ipatupad ito,” ani Marcos.

Pero ang isa pa raw dapat pagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ay ang pagsusulong sa paggamit ng “Large Scale Battery Storage” na malaki ang tulong para ma-preserba at hindi tayo kapusin ng enerhiya o kuryente.

“Ang isa pang teknolohiyang aking paglalaanan ng pansin ay ang mga tinatawag na Large Scale Battery Storage. Ang nagiging problema dati sa solar at wind power ay ang intermittent of production, ibig sabihin hindi lagi umiihip ang hangin at hindi naman laging may-araw,” wika niya.

“Pero iba na ngayon dahil napakaganda na ng teknolohiya sa large scale battery storage. Ang ibig sabihin may paglalagyan na ang nakokolektang power na hindi nagagamit. Gagamitin na lang kapag kinakailangan,” paliwanag ni Marcos.

Giit pa niya naging matagumpay ang naturang teknolohiya sa ilang bansa tulad ng Europa, Australia at Estados Unidos.

“Meron na rin tayo sa bansa tulad ng pag-aari ng San Miguel Corp. at ang kailangan na lamang ay paramihin ito,”

“’Yung mga ganitong teknolohiya ay nababagay din sa mga isla natin na mahirap abutin ng tradisyunal na transmission lines,” dagdag pa ni Marcos.

“Ang ating geographical locations, ang ating natural  resources and ating physical assets, katambal ng teknolohiya ay lahat ng ito ay nagsasabing hindi tayo dapat nawawalan at nagkukulang ng enerhiya. Kaya’t aralin natin at gamitin natin,” anang presidential bet.

Iminumungkahi rin ni Marcos ang pag-aaral para buhayin ang Nuclear Power Plant na nauna nang itinayo ng kanyang ama na si dating Presidente Ferdinand Marcos Sr.

Base sa pinakahuling survey, 79 porsyento Filipino ang payag sa rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant, 65 porsyento naman ang payag na magpatayo ng bagong power plant habang 78.8 porsyento naman ang bukas para pag-aralan ang mga impormasyon ukol sa power plant.

“Magandang pangitain ito dahil politics aside ang ibig sabihin ay nauunawaan na ng tao ang pwedeng tulong na maidulot ng power plant basta syempre prayoridad ang kaligtasan ng lahat,” diin niya.