DAGDAG na mga international airport ang nais itayo ni presidential frontrunner dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Cagayan De Oro City, Misamis Oriental at sa rehiyon ng Mindanao kapag sila ng kanyang running mate na si Mayor Inday Sara Duterte ang nanalo sa darating na halalan.
Sinabi ni Marcos sa libo-libong taga-suporta na dumalo sa grand rally ng UniTeam na ginanap sa Pelaez Sports Complex na bilang parte ng pagpapalakas ng turismo sa bansa, nais niyang magtayo ng mas maraming international airport.
“Ang isa pa naming gagawin ay pagagandahin namin ang industriya ng turismo. Kaya naman po maglalagay tayo ng mga airport para hindi na kailangang dumaan sa Maynila ang mga bisita. Siguro ‘yung Laguindingan puwede nang international airport para lahat ng gustong bumisita sa inyo ay diretso nang pupunta ng CDO nang makita kung gaano kaganda ang MisOr, kung gaano kaganda ang mga taga-Misamis Oriental,” sabi niya.
Sa ngayon, ang Laguindingan Airport o kilala ring Laguindingan International Airport, ay tinuturing na Principal Domestic Airport Class 1.
Sa oras na ito ay mas mapaganda at gawing mas moderno, nakikita ni Marcos na mas maiaangat nito ang ekonomiya ng lalawigan, lalo na sa Cagayan-Iligan Corridor, at magiging main gateway patungong Northern Mindanao.
Ang Laguindingan Airport ay ang ikalawa sa pinakadinadaanang paliparan sa Mindanao at pang-anim naman sa buong bansa base sa datos noong 2019.
Samantala, nagpasalamat naman si Marcos sa mga taga-suporta ng UniTeam sa kanilang pagpuno sa sports complex na halos umabot sila sa labas ng kalsada, suot-suot ang kanilang kulay pula at berdeng mga t-shirts at mainit na pagtanggap sa kanila.
“Maraming, maraming salamat Cagayan de Oro, Misamis Oriental sa napakainit na salubong ninyo sa UniTeam at sa tambalang Marcos-Duterte. Kanina umulan ng kaunti. Kahit lumamig pa ang hangin pero hindi na maramdaman ang lamig dahil napakainit ng inyong salubong na ibinigay sa amin. Nakakataba po ng puso na marinig at maramdaman ang inyong pahayag ng suporta at tiwala,” sabi niya.
“Kaya talaga naman, kami ni Inday Sara, ay hindi namin masusuklian ang inyong pagmamahal at pagsuporta. Ang maisusukli lang namin ay ang aming trabaho at sa serbisyo ay ipinapangako namin na ibibigay namin sa lahat ng mamamayang Pilipino sa buong Pilipinas para tayo ay gumanda ang ating sitwasyon dito sa Mindanao,” dagdag pa niya.
Si Gov. Yevgeny Vicente Emano, na nauna nang inendorso ang tambalang Marcos-Duterte, ang nagpakilala kay Marcos.
Bago pa ang rally, nagkaroon ng maikling pagtitipon si Marcos kasama si Congressman Rolando ‘Klarex’ Uy at Vice Mayor Joaquin ‘Kikang’ Uy.
Nakipagkita rin siya kay Governor Philip Tan at iba lang local officials ng Misamis Occidental, ganun din kay Governor Jurdin Jesus “JJ” Modina Romualdo at ibang opisyales ng Camiguin.