NANINIWALA si Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na isang mahalagang sangkap ang mga kooperatiba upang makagawa ng magagandang programang pang-agrikultura sa buong bansa.
Sinabi ni Marcos Jr. sa Agri 2022 online forum na siya ay isang “great believer” ng kooperatiba dahil aniya ito ang magiging daan para makarating sa mga magsasaka ang mga impormasiyon at benepisyo na mula sa pamahalaan na kailangan nilang malaman at makamtan ng mas may kabilisan.
“The cooperatives are going to play a large part because you cannot talk to each farmer, but you can talk to the farmer leaders,” sabi niya.
“The only way to do it is to have it organized so that you are all doing more or less the same thing, you are all following the same plan, and whatever support the government needs to provide has a conduit, has a line of communication to bring to each farmer,” dagdag pa nito.
Ayon kay Marcos Jr., sa mga bansang gaya ng England at South Korea, ang kanilang mga magsasaka ay nakadepende sa mga kooperatiba dahil halos 50 porsyento ng kanilang mga produkto ay nabebenta sa mga coop.
Sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na ang mga kooperatiba ang siyang magpapaliwanag sa mga magsasaka ng tungkol sa mga bagong uri ng binhi at pananim, gayundin ang mga bagong teknolohiya at pamamaraan, na kanilang magagamit upang mas bumuti pa ang kanilang produksyon at kita.
“I have a very great belief that we need them, but we need not just any cooperative but an honest to goodness working cooperative with good farmer leaders, with good members that understand they have to be organized. That way, we can slowly go to a larger scale of farming, production of fisheries, production of livestocks,” sabi ni Marcos na dating vice-chairman ng Senate Committee of Cooperative Development.
Noong siya ay gobernador pa ng Ilocos Norte, sinabi ni Marcos Jr. na kanilang pinalakas ang kooperatiba sa lalawigan sa pamamagitan ng pamimigay ng seed money at mga pagsasanay na gaya ng accounting, business planning, bank dealing, at basic bookkeeping, sa mga magsasaka. Ginabayan din ng lokal na pamahalaan ang mga kooperatiba sa kanilang mga business proposal matapos na masinsinan na pinag-aralan ang kanilang mga plano. Namahagi din sila ng mga makabagong teknolohiya at mataas na uri ng binhi.
“Maganda ang possibilities but we have to get the seed producers in line, we have to get the financial backing in line, but as long as we can do that, I believe that the cooperatives are essential, hindi lang useful but essential to any agricultural program,” sabi niya.
Nais din ni Marcos Jr. na dalhin sa national ang ‘sanghera system’ ng Ilocos Norte dahil sa maayos at demokratiko niyong sistema para sa mga kooperatiba.
Si Marcos Jr. ang umakda ng Senate Bill No. 3245 o “Cooperative Development Authority Charter Act,” na naglalayon na mas padaliin pa ang pagtugon ng Cooperative Development Authority sa mga problema sa kooperatiba at magkaroon sila ng sapat na pondo, tulong at pangangasiwa sa mga kooperatiba.
Naniniwala si Marcos Jr. sa potensiyal na benepisyo na kayang maibigay ng kooperatiba na aniya ay hindi pa din nagagamit. Halos 10 milyong Pilipino o 10 porsyento ng populasyon ay miyembro ng kooperatiba ngunit nanatiling nasa microscale ang mga coop at nabigong maging large scale enterprises.
“Kung walang kooperatiba na maganda, na matibay, hindi tayo makakabuo ng agri program. Not even in the province, much less in the whole country,” sabi niya.
Ayon sa report ng World Bank at Department of Agriculture, isa sa paraan upang mapataas ang produksyong agrikultural ng mga magsasaka ay sa pamamagitan ng paggawa at pag-organisa ng mga kooperatiba at iba pang samahan na makakapagpataas ng kanilang kita na kalaunan ay siyang magpapalakas sa kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga kanayunan sa bansa upang magtagumpay ang sektor ng agrikultura.