SINIGURO ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na prayoridad niya ang pagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa bilang bahagi pa rin ng kanyang programa para makaahon ang bansa mula sa pandemya, sakaling manalo sa halalan ngayong Mayo 9.
Humarap si Marcos sa iba’t ibang sektor ng mga grupo ng manggagawa sa isang Town Hall Meeting na itinaon sa paggunita ng Labor Day nitong Linggo sa Quezon City headquarters ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang pinakamalaking alyansa ng mga labor federations na mayroong 1.2 milyong myembro sa buong bansa.
“When it comes to labor, my number one priority is to protect the labor force, doon natin unahin and from there magpo-flow na basta’t maayos ang ating pagtrato sa ating mga workers, I think the rest of all of the issues will flow from that,” ani Marcos, na sinalubong ng sigawan at palakpakan ng mga manggagawa.
Sa naturang Town Hall meeting, natalakay ni Marcos at ng mga labor group ang mga isyu at problema sa kanilang hanay kasabay din nang paglalatag ni Marcos ng kaniyang programa ukol sa paggawa.
Nagpahayag din ng interes si Marcos na gawing priority bill ang Security of Tenure Act, na naglalayong mag-amyenda sa Labor Code para ma-protektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa.
“The Security of Tenure Bill that we hope to amend and rewrite at ayusin para mapasa na because kung ako eh palarin at ako ay nakaupo kung maganda naman ang version, pipirmahan ko naman talaga ‘yan,” sinabi ni Marcos.
Habang sinusuportahan niya ang paglikha nang hiwalay na departamento para sa mga migrant workers, sinabi ni Marcos na ang iba pang ahensya na may kaugnayan sa labor sector ay dapat ma-streamline.
“The second opportunity that I think is the migrant workers (bukod sa Security of Tenure Act), the Department of Migrant Workers. Kasi magiging mas maliwanag na ang duties ng Department of Migrant Workers, ililipat ‘yung OWWA (Overseas Workers Welfare Administration), nandyan ‘yung DOLE, maliwanag na maliwanag para makapag-focus nang mabuti,” paliwanag ni Marcos.
Pero sa huli, iginiit ni Marcos na prayoridad niya ang pagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa para masigurong makababalik at makaaahon ang bansa mula sa pinsala ng pandemya.
“I think the best way to do is to make sure na kung ano ‘yung nasa batas, lahat ng benepisyo, lahat ng mga proteksyon na nasa batas patibayin natin ang pag-implement at pag-enforce,” giit ni Marcos.
“Ang talagang iniisip ko is how to protect the labor force because the labor force is always, sa lahat ng stakeholders sa negosyo parang nahuhuli kung minsan ang boses ng labor,“ dagdag niya.
Dumalo rin sa naturang Town Hall Meeting si TUCP president Raymond Mendoza na pinangunahan ang mga manggagawa sa naturang okasyon.
Nauna nang inendorso ng TUCP, ang pinakamalaking labor group sa bansa, si Marcos at ang katambal nito na si Inday Sara Duterte sa darating na halalan sa Mayo 9.
Giit ni Mendoza, malakas ang panawagan ng kanilang 1.2 milyong miyembro sa buong bansa para suportahan ang UniTeam, sa serye ng konsultasyon sa kanilang mga miyembro.
Itinatag noong 1975 ng 23 labor federations, ang TUCP ngayon ang pinakamalaking alyansa ng mga labor federations sa buong bansa.
Karamihan sa mga miyembro nila ay mula sa mga major industry tulad ng service, agrikultura at manufacturing.