HINDI napigilang mapaluha ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos matapos na abutan siya ng sobre na may lamang pera at liham ng pagsuporta ng isang babaeng fish vendor habang nasa kalagitnaan ng campaign caravan sa Navotas City nitong nakalipas na Lunes.
Viral ngayon sa social media ang ginawang pag-abot ng sobreng may lamang pera ng isang fish vendor kay presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ang naturang video na may daang libong likes at share na sa YouTube, Facebook at iba pang social media platform ay pinag-uusapan na rin ngayon ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nakabase sa labas ng bansa.
“Nakakakilabot. Nakakaiyak. Kahit sino mata-touched sa ginawa ni Aling Clemencia,” ani Navotas Mayor Toby Tiangco.
Si Aling Clemencia ‘Inday’ Garcia ay isang fish vendor sa Navotas Fish Port.
“Mahirap lang ang pamilya nila kaya hahanga ka sa dedikasyon nilang tumulong kay BBM,” anang alkalde.
Kasama ni Marcos si Tiangco nang isagawa ang caravan sa kanilang lungsod.
Sinabi nitong pareho silang nagulat ni BBM nang may mag-abot na sobre para sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
“Na-stucked kami sa trapik. Hindi kami makaabante sa rami ng tao. Nang may mag-abot ng sobre, nagkatinginan kami ni BBM. Sabi namin buksan tapos nagulat kami nang may nakalagay na pera,” ani Tiangco.
Kaagad nilang hinanap ang babaeng nag-abot ng pera. Nawala umano ito sa mga nagsisiksikang crowd hanggang sa makita ng isa sa security ni Marcos.
Pilit isinasauli ni Marcos ang perang bigay ni Aling Clemencia, ngunit tumanggi ang ginang na tanggapin ito. “Hindi ko matatanggap ito,” ani Marcos.
“Tulong po namin iyan, sir. Hindi po mayor,” ani Aling Clemencia sa alkalde nang sabihin iyong sulat lamang nila kay Marcos ang tatanggapin at hindi na iyong pera.
“Okay lang sir. Pinaghirapan po natin (namin) sa isda iyan sir. Thank you po mayor, Tulong po namin iyan sir,” sabi ng ginang.
“Halika, mag-usap tayo. Iyong tulong n’yo sapat na iyon. Iyong boto n’yo sapat na iyon. Eto pinaghirapan n’yo to eh,” sabi ni Tiangco sa tindera.
“Para sa sambayanang Pilipino, Sir,” mangiyak-ngiyak na sabi ng ginang.
Sabi ni BBM: “Hindi ko gagamitin iyan.”
Sa huli, nanaig ang pakiusap nina Marcos at Tiangco na ibalik ang perang karamihan ay tig-P20, P50, at P100 bills na nakabalot sa isang rubber band.
“Alam mo iyong mga perang galing palengke. Hindi na namin binilang kasi sinoli namin. Pero makapal din. Siguro parang pinagpatong na cellphone ang kapal ng pera,” sabi pa ng alkalde.
Sa puntong iyon, nagsisigawan na ang mga tao na: “BBM! BBM! BBM!”
Narito ang kabuuang laman ng sulat ni Aling Nemencia kay Marcos.
Mahal na Pangulong BBM,
Magandang araw po, ako po si Gng. Clemencia ‘Inday’ Garcia ng Navotas, isa po akong tindira (tindera) ng isda sa fishport.
Tanggapin po ninyo ang aking kunting (kaunting) ambag sa inyong patuloy na pagtulong sa sambayanang Pilipino. Mabuhay po kayo at buong UNITEAM.
Mahal na mahal po naming (namin) kayo sampu ng aking pamilya Escarian at Garcia.
Gumagalang,
(Sgd) Clemencia Garcia
Marcos Loyalist Forever
Samantala, sinabi ni Tiangco na bukod sa sobreng mula kay aling Clemencia, marami ring Navotaseno ang nagbigay ng gulay, patatas, isda, bulaklak at kahit milk tea kay Marcos.
“Ganyan kamahal ng mga taga-Navotas si BBM,” sabi pa ni Tiangco.