PINATUNAYAN ng kalye survey na isinagawa ng online news site na Rappler na nananatiling nangunguna si presidentiual candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa darating na halalan sa Mayo 2022.
Ipinadala ng Rappler ang kanilang reporter na si Rambo Talabong sa Quezon City Memorial Circle para pulsuhan ang damdamin ng publiko ukol sa kung sino ang napupusuan nilang iboto sa darating na eleksiyon.
Walong tao ang magkakasunod na tinanong ng naturang reporter at lumabas na lima sa kanila ay pumapabor kay Marcos. Nakakuha lamang ng tig-isang boto sina Leni Robredo at Sen. Panfilo Lacson habang isa ang nananatiling undecided.
Kapansin-pansin naman na ang nag-iisang undecided ay nagpahayag na ang gusto niya ay ang pagkakaisa na matagal nang panawagan ng BBM-Sara UniTeam.
Tinanong ang mga bystander ng “Sino’ng iboboto mo ngayong 2022 at bakit?”
“Sa akin lang ha, si BBM kasi lahat naman ng ano may kakayahan. Pero siyempre pipili tayo ng karapat-dapat na maging Presidente,” ayon sa isang lalaki na unang tinanong ng reporter ng Rappler.
Nang tanungin naman kung bakit si Marcos ang pinili niya: “Siya lamang, una, ang maaaring makatulong sa mga mahihirap o kaya siya na ‘yung katuparan na (tutulong) nung ibang naghihirap sa bansang Pilipinas.”
“Sa akin, ano man ang sabihin nila, kung gusto kong iboto ‘yung isang tao, kahit ano pa man ‘yun, kahit anong mangyari iboboto ko pa rin siya. BBM pa rin ako,” ito naman ang kanyang tugon ukol sa mga akusasyon at batikos kay Marcos.
Si Marcos din ang pinili ng isa pang lalaki na hinarang at tinanong ng reporter.
“Siguro sasabihin ko si BBM. Kumbaga sa political legacy, simula sa ama niya, meron na siyang experience sa kandidatura,” ayon sa lalaki.
Pinasagot naman ng reporter kung ano ang reaksyon nito ukol sa mga kritisismo kay Marcos.
“Siyempre hindi natin maiiwasan ang mga paninira. Kahit ano pang linis mo, laging may paninirang magaganap,” tugon niya.
Nang tanungin naman siya kung ano ang partikular na pangako ni Marcos ang nagustuhan niya, sinagot niya ito ng “‘yung mga trabaho para sa mga tao.”
Ayon naman sa isa pang tinanong: “Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. Gusto ko lang.”
“Kung magsalita siya, malumanay. Wala siyang sinasabing kontra sa kalaban. Lahat ng kalaban niya galit na galit kapag nagsalita sa media. Tungkol sa sinasabi nila, magnanakaw. Noon pa ‘yan hanggang ngayon magnanakaw. Martial law. Lahat na sinasabi nila. Hindi ba sila nagsasawa sa sinasabi nilang ‘yan? Si BBM mabait,” paliwanag pa ng interviewee.
Ipinagtanggol pa nito si Marcos nang tanungin siya ukol sa martial law nung panahon ng kanyang ama na si Ferdinand Marcos Sr.
“Sa akin wala namang ninakaw si Marcos eh. Maraming namatay, kagagawan rin naman nila sa Martial law. Mga pasaway,” dagdag niya.
Isa namang babaeng ice cream vendor ang nagpayo pa sa mga bumabatikos kay Marcos.
“Nakaraan na ‘yun eh. Hindi pa ba sila naka-move on?” ayon sa ice cream vendor.
Ang resulta ng kalye survey ng Rappler ay sumasalamin at nagpapatotoo sa mga serye ng survey ng mga respetadong kompanya na nananatiling si Marcos ang nangunguna at gusto ng higit nakararaming mga ordinaryong mamamayan.
Sa proclamation rally na ginanap kamakailan sa Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan na dinaluhan ng mahigit 30, 000 taga-suporta at pinanood live ng mahigit 1.5 milyong tao sa social media, iginiit ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang panawagang pagkakaisa para sa muling pagbangon sa pandemya.