PAGTUGON sa problema sa mataas na presyo ng fertilizer at pababain ang singil sa koryente sa Oriental Mindoro ang nais solusyunan ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, dahil ito ang nakikita niyang pinakamaganda at mabilis na paraan upang umunlad ang lalawigan.
Sa kanyang talumpati sa ginanap na UniTeam rally sa Calapan City nitong Miyerkoles, sinabi ni Marcos na mabigat ang nakaatang na trabaho para sa susunod na administrasyon, upang masiguro na magkakaroon ng magandang buhay ang mga Pilipino matapos na dumanas sa matinding krisis na dulot ng pandemiya.
Ipinaliwanag niya na isa sa susi para mapaganda ang buhay ng mga Pilipino, lalo na ang mga taga- Oriental Mindoro, ay ang mabigyan ng lubos na suporta ang sektor ng agrikultura.
Magagawa aniya ito kapag napigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pataba na isang mahalagang sangkap para masigurong magiging maganda ang ani ng mga magsasaka.
“Maraming dinalang problema at krisis ang pandemya at kasama sa nahirapan nang husto ay ang ating ekonomiya. Ang agrikultura kailangan pagandahin. Ang palay mura ( binibili ng mga middlemen), tapos yung Urea nasa P2,800 halos P3,000 na paano pa kayo ( mga magsasaka) makakabawi niyan,” sabi ni Marcos.
“Kaya lahat ng problema sa agrikultura kailangan ayusin yan,” dagdag pa niya.
Nagrereklamo ang mga magsasaka sa Oriental Mindoro dahil naibebenta lamang nila ang kanilang palay sa mga middlemen sa halagang P11 kada kilo kaya’t lugi sila dahil ang halaga ng kanilang puhunan upang makapag-ani sila ng isang kilo ay P15.
Maliban sa sektor ng agrikultura, nangako rin si Marcos na ipagpapatuloy ang Build, Build, Build program ng Duterte administration na nakikita niyang isang paraan para mapababa ang presyo ng koryente sa lalawigan.
“Isa pang problema na kailangan gawan ng solusyon ng susunod na administrasyon ay makahanap ng paraan para mapababa ang singil sa koryente,” sabi niya.
“Kaya naman po tinitingnan namin ang pagpatuloy ng infrastructure program ng Pangulong Duterte, ang Build, Build, Build,” dagdag ni Marcos.
Ayon sa Partido Federal ng Pilipinas standard bearer kailangan maipagpatuloy ang planong Mindoro- Batangas Super Bridge na ayon sa kanya ay magdadala ng progreso at isa ring paraan upang mapabilis ang biyahe at komersyo sa dalawang lalawigan.
Si Marcos ay nauna ng inendorso ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, dahil ayon sa kanya ay malaki ang kontribusiyon ng dating senador sa pag-unlad ng lalawigan.
“Sa lahat ng tumatakbong kandidato sa pagka-pangulo ngayon, siya ang isa sa may pinakamaraming nagawa para sa Oriental Mindoro,” sabi nito matapos alalahanin ang lahat ng road projects na tinulong ni Marcos sa kanya.
Ayon din sa gobernador, laging handang tumulong si Marcos sa kanila.
“Mga kababayan, tumitig sa hinaharap, tumitig kayo sa bukas na mas maganda at maliwanag. Sabi nga ng iba bakit ang susuportahan ko ay ang taong ito, simple lang ang sagot. Ang taong ito na kilala ko sa loob ng dalawang dekada ang nagparamdam sa akin at sa mga Mindoreño na higit sa kulay, higit sa anyo, tumutulong ng walang kapalit,” sabi nito.
“Bilang governor ninyo at mananatiling governor ng Mindoro, katuwang ang bawat isang Mindoreño, pagsama-samahin natin, ipanalo natin, ihatid natin sa Malacañang ang susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas,” dagdag ni Dolor.
Nagpasalamat naman si Marcos sa mga taga-suporta ng UniTeam sa mainit na pagtanggap sa kanila.