BBM-SARA SINUYO ANG LAGUNA

bbm-sara

SINUYO nina Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at running-mate na si Inday Sara Duterte ang Lalawigan ng Laguna at muling nanawagan na samahan ang UniTeam na pag-isahin ang bansa upang tuluyan nang makabangon ang lugmok na ekonomya dahil sa pandemya.

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng libo-libong tagasuporta sa Capitol compound sa Sta. Cruz, Laguna, sinabi ni Marcos na marami nang pagsubok ang dinaanan ng bansa at naniniwala siyang malalagpasan ito lalo kung magsasama-sama at may pagkakaisa ang mamamayang Pilipino.

“Lahat ng krisis, lahat ng sakuna, tayo ay nakaraos dahil tayo ay nagkaisa. Natutunan po natin na walang ibang tutulong sa Pilipino kundi kapwa Pilipino din,” ani Marcos.

Ipinaliwanag ni Marcos na pagkakaisa ang susi sa pag-unlad dahil anuman ang mithiin nila ni Inday Sara para mapabuti ang bansa ay hindi ito magtatagumpay kung walang suporta mismo mula sa taumbayan.

“Kahit anong sipag, galing at pagmamahal sa Pilipino kung nag-iisa lang siya, hindi po niya kakayaning mag-isa. Kaya dala po namin dito sa Laguna ang adhikain naming pagkakaisa para po magtulungan po tayo para hindi lang natin maibabangon ang Pilipinas sa pagkalugmok sa pandemya, kundi iaangat pa natin ang bansa para tayong mga Pilipino magiging taas noo kahit saan mang panig ng mundo. Sama-sama po tayong babangong muli,” sabi pa niya.

Sa kanyang panig, sinabi ni Inday na kailangan nila ni Marcos ang tulong ng ating mga kababayan upang maipatupad ang mga mabubuting layunin para sa bayan.

“Magkasama po nating lalagpasan ang krisis na dala ng pandemya,” sabi pa ng mayora.

Kaugnay nito, pinasalamatan ng UniTeam ang mainit na pagtanggap sa kanila ng buong Lagunaenos.

Maliban kasi sa tambalang BBM-Sara, mainit ding sinalubong ng mga tagasuporta ang mga senatorial bets na sina Harry Roque, Larry Gadon, Greg ‘Gringo’ Honasan, Jinggoy Estrada, Herbert Bautista at Sherwin Gatchalian.

Samantala, ginulat at napahanga ng isang estudyante ang UniTeam nang maglakad ito mula sa kanilang bahay sa may burol ng Bgy. San Antonio, Kalayaan, Laguna para lamang ipakita ang dalawang ‘sketches’ na ginawa nito para kina Marcos at Duterte.

“Naniniwala po ako na maganda ang gobyerno nila dahil si Marcos ay taga-Norte habang si Sara naman ay taga-Mindanao. Magkakaroon ng pagkakaisa,” ani Stephen Angel Lucero, estudyante ng BN Calara School.

Si Jesus Banaag naman, empleyado mula sa Capitol Engineering Department ay sinamantala ang lunch break upang  magtungo  sa campaign sortie ng UniTeam.

“Tumakas lang po ako para makapunta dito. Malaki ang magagawa nila sa bayan. Panalo na siya. Masipag, matalino, matino, wala ka nang masasabi sa kanya. Kinikilabutan nga ako nung marinig ko siyang magsalita,” dagdag pa ni Banaag.