BBM-SARA UNITEAM, ISINUSULONG ANG MODERNISASYON NG BFP

BBM-SARA

PANAHON na upang ipatupad ang modernisasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ito ang sinabi nina Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running-mate na si Inday Sara Duterte kasabay ng pagbibigay-diin na wala na dapat na magiging hadlang upang ipatupad ang BFP modernization para higit pang mapalakas ang kagalingan at kahusayan ng mga bumbero sa bansa.

Bilang pagkilala sa Fire Prevention Month ngayong Marso, sinabi ng BBM-Sara UniTeam na dapat ay mag-recruit pa ng mas maraming bumbero at bigyan sila ng ‘specialized training’ sa pamatay-sunog, gayundin sa pagligtas at pagbibigay ng paunang lunas sa mga kababayang nasasangkot sa sakuna.

Idinagdag ng UniTeam na ang pagpapatupad sa Republic Act 11589 o  BFP Modernization Act of 2021 ay ang magiging daan upang maging moderno at ‘world-class institution’ ang ahensiya sa loob ng 10 taon.

“Kung kayang gawin ito sa loob ng mas maikling panahon, gagawin natin dahil ang BFP hindi lang sa sunog rumeresponde. Tumutulong din ito kapag may iba pang kalamidad,” pahayag ng BBM-Sara tandem.

Bukod sa pagbibigay ng makabago at modernong kagamitan, gayundin ang pag-recruit ng bagong bumbero at sistematikong kasanayan, bahagi ng planong modernisasyon ang pagpapalawak sa kaalaman at kagalingan patungkol sa economic zones, disaster risk response, and emergency management.

“We are observing Fire Prevention Month this March. It is ironic that, as we have experienced in the past years, parang mas maraming nangyayaring sunog kapag ganitong buwan. We have to improve the services and capabilities of the Bureau of Fire Protection to make it more responsive,” anang  UniTeam.

Ang buwan ng Marso ang palagiang nakapagtatala ng pinakaraming insidente ng sunog sa buong bansa.

Isa sa nakikitang sanhi nito ay ang labis na init ng panahon, bukod pa sa kapabayaan ng ilang mga mamamayan sa napabayaang linya ng kuryente sa mga kabahayan.

Kasabay nito, nanawagan ang UniTeam na manatiling maingat ang lahat at sundin ang tamang mga pamamaraan upang makaiwas sa sunog ang mga mamamayan na madalas nagreresulta sa malagim na trahedya.

“Mag-ingat po tayo, lalo na sa ating mga tahanan para maiwasan po ang sunog dahil hindi lang mga ari-arian ang natutupok, maaari ring kumitil ng buhay,” paalala pa ng BBM-Sara UniTeam.